P550,000 ‘suhol’ bawat papasok na dayuhan KORAP SA IMMIGRATION PINATUTUMBOK SA NBI

(NELSON S. BADILLA)

INATASAN ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang National Bureau of Investigation (NBI) na tumbukin ang mga korap na opisyal at kawani sa Bureau of Immigration (BI) na pasok sa P550,000 singil sa bawat dayuhang papasok sa bansa.

Ipinag-utos ito ni Guevarra makaraang makarating sa kanya ang impormasyong aabot sa P550,000 ang ‘bagong singil’ sa mga dayuhan upang makapasok at makakilos nang walang balakid sa bansa.

Napakalayo nito sa P10,000 ‘padulas’ ng bawat dayuhang papasok sa bansa sa isang dibisyon ng BI sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Batay sa imbestigasyon sa Senado, nagsimula noong 2017 ang pangingikil ng P10,000 sa bawat dayuhang walang “visa upon arrival” (VUA) kapag papasok sa NAIA.

Umabot sa P40 bilyon ang kinita ng korapsyon ng sindikatong “pastilyas” sa BI na nakabase sa NAIA, ayon pa rin sa nadiskubre ng imbestigasyon sa Senado.

Maliban sa impormasyong natanggap, ang pagpapaimbestiga ni Guevarra sa NBI laban sa BI ay resulta ng pagkumpirma ni Senadora Risa Hontiveros na umabot na sa P550,000 ang paniningil ng mga korap sa BI.

Aniya, hihilingin niya sa pamunuan ng Senado na magsagawa ng panibagong imbestigasyon hinggil sa posibleng pag-unlad ng eskimang pastilyas sa BI.

Nabunyag ang malakihang singilan ng BI makaraang madakip ang isang “Vivan Lara” ng operatiba ng NBI nitong nakalipas na linggo kung saan P900,000 ang nakuha sa suspek.

Dalawang Intsik umano ang kliyente ni Lara.

Si Lara ay nahuli sa opisina ng abogado ng BI na si Atty. Arnulfo Maminta.

Walang binanggit ang NBI na dinampot din nito si Maminta.

49

Related posts

Leave a Comment