P5K-P8K KADA BUWAN SA 18 MILYONG PAMILYA

MAKATATANGGAP ng P5,000 hanggang P8,000 kada buwan sa loob ng dalawang buwan ang may 18 milyong pamilya na apektado ng enhanced community quarantine dahil sa coronavirus disease (COVID-19).

Kabilang ito sa Bayanihan Act of 2020 na inaprubahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso, hatinggabi ng Lunes, Marso 23, na nagbibigay ng dagdag na kapangyarihan kay Pangulong Rodrigo Duterte na galawin ang mga pondo ng gobyerno at gamitin sa kampanya laban sa COVID-19.

sa ilalim ng nasabing panukala na inayunan ng 284 congressmen at 12 Senador sa ikatlo at huling pagbasa matapos ang 36 na deliberasyon sa isinagawang special session, binigyan ng kapangyarihan si Duterte na galawin ang may P275 Billion sa national budget.

Sa nasabing halaga, P200 Billion ang inilaan para tulungan ang may 18 million pamilya o 90 Million indibidwal sa loob ng dalawang buwan habang umiiral ang ECQ o Enhanced Community Quarantine.

Binigyan ng Kongreso ng opsyon ang gobyerno kung ibibigay ang ayuda in cash sa bawat pamilya o kaya pagkain.

Ang natitirang P75 Billion ay gagamitin naman sa pagbili ng mga kagamitan na kailangan sa mga pagamutan tulad ng PPE o Personal Protective Equipment na kailangan ng mga frontliner lalo na ang mga healthcare workers o (HcWs), at iba pa na hindi na kailangang idaan sa bidding.

Kukunin sa P75 Billion ang dagdag na hazard pay at iba pang allowances na ibibigay sa mga frontliner at kompensasyon sa mga namatay na HCWs dahil sa pagganap sa kanilang sinumpaang tungkulin. BERNARD TAGUINOD

Related posts

Leave a Comment