Paalala sa eligible voters MAGPAREHISTRO, BUMOTO SA 2022 – REP. NOGRALES

0

(BERNARD TAGUINOD)

UMAPELA si Rizal 2nd District Congressman Fidel Nograles sa mga eligible voter na magparehistro upang makaboto sa 2022 national at local elections.

Bukod sa mga kabataan na edad 18 pataas, nakiusap din si Nograles sa mga dating botante na na-deactivate ang voters registration dahil hindi nakaboto noong 2018 barangay at 2019 national election na muling magparehistro.

Ginawa ng mambabatas ang panawagan matapos aminin ng Commission on Elections (Comelec) na umaabot palang sa 1.17 million botante ang nagparehistro mula sa 4 milyong Pilipino na kuwalipikadong bumoto.

Bukod dito, umaabot din umano sa 7 million botante ang na-deactivate ang voters registration matapos hindi makaboto sa dalawang magkasunod na eleksyon.

“Huwag na po natin hintaying umabot pa sa deadline bago kumilos para mag-rehistro at magpa-reactivate ng registration. Ang pagboto ay isang sagradong tungkulin ng mamamayang Pilipino na hindi natin dapat talikuran,” ani Nograles.

Unang sinabi ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon na posibleng hindi na palawigin ang itinakda hanggang Setyembre 2021 na pagpaparehistro dahil sa kakulangan na ng oras kaya sinabi ni Nograles na dapat samantalahin ng mga botante ang pagkakataon lalo na ang mga kabataan.

“Elections are an opportunity to implement change. Youth should not pass up the chance to elect those they think should lead,” ayon pa kay Nograles.

“Marami sa ating nagbabatikos sa social media, nagtatawag ng pagbabago. Nasa kamay natin ang pagbabagong hinihingi natin at nagsisimula ito sa paghalal ng mga lingkod-bayan na kinakatawan ang mga nais nating makita sa mga lider natin. Ngunit hindi ito magiging posible kung hindi tayo magre-rehistro,” dagdag pa ng mambabatas.

Sinuportahan din ng Harvard trained lawyer ang mungkahi ni Guanzon na i-extend ang oras ng registration hanggang alas-tres ng hapon kada araw.

Nais din ni Nograles na magkaroon ng satellite office sa mga barangay ang Comelec para mas maraming makapagparehistro lalo na’t hirap pa ang mga tao na makabiyahe dahil sa pandemya.

“Kung kailangan po magronda nang naka-loud speaker o kaya mag-house-to-house sa mga isolated na lugar, gawin po natin para mahikayat na magparehistro ang mga kababayan natin,” ani Nograles.

“Maybe we could do some form of bloc registration para we are assured of large batches especially from geographically isolated and disadvantaged areas,”dagdag pa nito.

Related posts

Leave a Comment