Paglobo ng kaso ng COVID-19 binubusisi ng QC-CESU LATE REPORTING NG KAMARA BINIRA

0

SINITA ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) ang House of Representatives sa late reporting nito sa kanilang covid cases na maaaring naging dahilan ng biglang paglobo ng kaso na umabot na sa mahigit 40 cases.

Ayon kay QC-CESU Director Dr. Rolly Cruz, nasa 40 ang confirmed cases na kanilang naitala sa mababang kapulungan subalit kanilang bineberipika ang ulat na may mga hindi na-report.

Ito ay dahil nasa 96 na umano ang kabuuang bilang ng positive cases sa Kamara sa nakalipas na 10 araw.

Dahil dito, maaaring may mga kasong hindi naiuulat at hindi agad nagagawan ng contact tracing.

Ipinaliwanag ni Cruz na kahit pa man asymptomatic ang pasyente basta nakumpirma itong positive sa test ay dapat ipagbigay-alam agad sa kinauukulan.

“Dapat kasi everytime na may new case dapat nire-report agad sa LGU para sa contact tracing,” paliwanag ni Cruz kung saan sa kaso ng Kamara ay kinailangan pa nilang hingan ito ng report.

Nang hingan ng reaksyon sa lapses ng Kamara, sinabi ni House Secretary-General Dong Mendoza na nakipag-ugnayan na sila sa QC-CESU, tumanggi rin itong kumpirmahin na tumaas ang kaso ng covid sa mababang kapulungan bagamat nagsasagawa na umano ngayon ng mass testing sa mga mambabatas, kawani at maging sa mga bumibisita sa tanggapan.

“We already spoke with the QC govt with regards to this matter. We will release the results to DOH and CESU once the lab results are available already,” paliwanag ni Mendoza.

Hindi naman tinukoy ni Mendoza kung rapid test o swab test ang kanilang gagawin subalit para sa mga kawani ay mainam na swab test ang isagawa upang mas konkreto ang maging resulta.

Una nang inalarma ng QC-CESU ang Kamara matapos itong makatanggap ng mahigit 40 kaso ng covid na ang inilagay kung saan nila nakuha ang virus ay sa lugar na pinagtatrabahuhan sa mababang kapulungan. Nabatid na ang tinamaan ng covid ay pawang naninirahan lamang sa mga kalapit na barangay sa Batasan Complex.

Sinabi ni Cruz na pagbabatayan nila ang covid cases report na isusumite ng Kamara sa kanilang gagawing imbestigasyon pangunahin na rito kung bakit nagkaroon ng hawahan at kung may pagtaas ng kaso na maaaring pumasok sa kategorya ng outbreak na magiging dahilan para pansamantalang ipasara ang tanggapan.

Ukol naman sa posibleng paglabag ng Kamara, sinabi ng QC-CESU na ang kanilang gagawing imbestigasyon ay isusumite sa Department of Health(DoH).

Samantala kinastigo naman ni dating Ang Nars Partylist Rep. Leah Paquiz ang mga House leader na sina House Speaker Lord Allan Velasco, Deputy Speaker at 1Pacman Partylist Rep. Mikee Romero at House Secretary-General Mendoza na lumabag umano sa quarantine protocol at patuloy na pumapasok sa Kamara sa kabila ng kanilang exposure sa covid positive na si TESDA Chair Isidro Lapeña.

Sinabi ni Romero na nagnegatibo sila sa test matapos ma-exposed kay Lapeña ngunit hindi naman ito sumailalim sa 14 day quarantine dahil nakita itong dumadalo sa mga hearing at courtesy call sa Kamara.

Ipinaliwanag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na kailangan ang quarantine sa mga may direct exposure sa isang covid patient kahit pa man nagnegatibo sa test dahil ang virus ay maaaring magdevelop sa pagitan ng dalawa hanggang 14 araw pagkatapos ng exposure.

“Dapat po sumunod sa protocol. Respect the authority, paano susunod ang mamamayan kung hindi sumusunod mga leaders, dapat maging role model sila,” pagkastigo pa ni Paquiz.

Samantala, mismong mga empleyado ng Kamara ang nagsabing hindi sagot ang gagawing covid testing para maresolba ang tumataas na kaso ng Covid sa Kamara.

Anila, dapat sumunod sa quarantine protocol ang mismong mga lider na may exposure sa virus.

Umaapela ang mga kawani ng full transparency sa mga covid case sa Kamara at kung sino-sino ang mga may exposure sa covid patients para na rin sa proteksyon ng lahat.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment