PAGPAPADALA NG CAFGU SA WPS SUPORTADO SA SENADO

SUPORTADO ni Senador Imee Marcos ang panawagan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na magpadala ng mga sibilyang pwersa na pantapat sa napaulat na pagdami ng grupo ng Chinese militia sa West Philippine Sea (WPS).

“Dapat palawakin ang pagre-recruit ng Naval Special Operations Group (NAVSOG), o mas kilalang Philippine Navy Seals, sa mga komunidad ng Pilipinong mangingisda,” ayon kay Marcos.

Sinabi ito ng senadora bilang tugon na rin sa plano ng militar na magpadala sa WPS ng maritime version ng Civilian Armed Forces Geographical Unit (CAFGU).

“Ipagtanggol natin ang ating mga mangingisda. Sumuko na ba tayo sa pagdedepensa sa kanila? Hindi tayo pwedeng manghina dahil sa takot at manatiling walang laban,” diin ni Marcos.

Ayon pa kay Marcos, inamin ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na wala pang 25% ang kakayahang pandepensa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) dahil sa limitadong badyet at mga legal na hadlang sa pagbili ng mga gamit na pangdepensa.

At para matugunan ang kakulangan sa badyet ng militar, inihain ni Marcos ang Senate Bill 1871 na buhayin ang Self-Reliance Defense Posture Program (SRDP) na ipinatupad ng Presidential Decree 415 noong 1974.

Ayon kay Marcos, pinalakas ng SRDP ang lokal na paggawa ng mga armas o baril pati na rin ng mga sasakyang pang-militar habang pinapanatili ang ating foreign exchange resources.

Kabilang sa mga armas na tinukoy ni Marcos ay ang M16 Assault Rifle, 60mm Mortar Tube, 81mm Mortar Tube at gun barrels, gayundin ang MKII hand grenade at 5.56mm at 81mm mortar ammunition.

Inihain din ni Senadora Marcos ang Senate Bill 1707 upang mapreserba ang lihim at maging ang ‘top-secret nature’ ng pagbili ng mga supply at gamit na pang-depensang militar na sa kasalukuya’y hindi exempted sa pagsasapubliko ng General Procurement Act.

Dagdag pa ni Marcos, ang pagbibigay sa AFP ng special mode ng pagbili bukod sa public bidding, “na daraan sa espisipikong mga kondisyon,” ang magpapabilis sa pagbili ng military supplies.

Iginiit ni Marcos na ang unang “horizon” ng three-phase AFP modernization program ay tatlong taon nang huli sa 2017 completion deadline nito, habang ang dapat na second at third horizons ay dapat namang matapos pagsapit ng 2022 at 2028.

Sa ulat ng Global Asia, nasa pang-anim na ranggo lang ang tinatayang gastos ng Pilipinas na US$3.47 billion para sa defense nito kumpara sa ibang mga bansang kasapi ng ASEAN.

Sa nasabing publication ng Seoul-based East Asia Foundation, ang Singapore ay naglaan ng US$11.2 billion; Indonesia US$7.6 billion; Thailand US$7.1 billion; Vietnam US$5.5 billion; at Malaysia US$4 billion. (NOEL ABUEL)

62

Related posts

Leave a Comment