PANIBAGONG KASO VS GOV-ELECT NG N. COTABATO ISINAMPA

ombudsman1

(NI BONG PAULO)

KIDAPAWAN CITY – Nahaharap sa panibagong kaso na may kaugnayan pa rin sa fertilizer scam, si North Cotabato Governor-elect Nancy Catamco.

Ang kaso ay inihain ng Ombudsman sa Sandiganbayan noong Mayo 17.

Kasama sa mga idinadawit sa nasabing kaso ay ang dating mister ni Catamco na si Pompey Perez at ang dating alkalde na si Orville Fua ng Lazi, Siquijor.

Nag-ugat ang nasabing kaso matapos na ma-award sa Perzebros Co., ng Lazi municipal government, ang kontrata na pag-aari nina Catamco at Perez para mag-supply ng 1,866 litro ng liquid fertilizer na nagkakahalaga ng P1,500 ang kada litro na may kabuuang P2.687 million noong January 2005.

Ayon sa Ombudsman, nakipagsabwatan umano si Fua sa mga kapwa nito akusado para ma- award ang nasabing kontrata sa kabila ng maanomalyang procurement process.

Giit ng Ombudsman na hindi umano nakalagak ng security performance bond ang Perzebros para matiyak ang paghahatid ng proyekto.

Ibig sabihin walang patunay na naipatupad nang maayos ang proyekto.

Si Catamco, nanalong gobernador ng probinsiya sa katatapos na eleksiyon, ay una na ring nahaharap sa magkahiwalay na kaso na may kaugnayan sa graft and malversation.

Kasama sa mga akusado sa nasabing kaso ay ang dating alkalde ng Poro, Cebu na si Edgar Rama matapos na masangkot sa maanomalyang pag-award sa P5 milyong contrata sa pagbili ng fertilizer noong 2004.

Maliban sa kawalan ng public bidding ay overpricing din umano ang supply ng mga fertilizer ng Perzebros na umaabot sa P4.58 milyon.

Si Fua na nanalo ring board member ng Siquijor sa katatapos na mid-term eleksiyon ay nahaharap din sa isa pang kaso sa pamahalaang lokal ng Lazi hinggil sa pagbili ng fertilizer na umaabot sa P4.99 milyon mula sa isa pang pribadong supplier.

Samantala, sa panayam ng Radyo BIDA Kidapawan kay Catamco, nabigla lamang siya sa nasabing kaso dahil hindi siya naabisuhan kaugnay sa kinakaharap na kaso at hindi umano siya nakapaghain ng kanyang counter affidavit.

Naniniwala ang opisyal na politically motivated ang nasabing kaso at umaasa ang opisyal na malulusutan din nito ang nasabing kaso.

 

79

Related posts

Leave a Comment