Para mapakain ang 6.9-M “no work-no pay employees GOBYERNO GUGUGOL NG P65-B

0

MANGANGAILANGAN ang gobyerno ng P65 Billion para mapakain ang may 6.9 milyong ‘no work-no pay’ employees sa buong Luzon sa loob ng 23 araw.

Ito ang pagtatayang ginawa ng Minorya sa mababang kapulungan ng Kongreso sa gitna ng pagkukumahog ng gobyerno at mga local government unit (LGUs) na mapakain ang kanilang mga constituent na nawalan ng hanapbuhay dahil sa enhanced community quarantine.

Ayon kina House minority leader Bienvenido Abante, kailangang mabigyan ng tig- P9,420 ang bawat contractual employees at ibang manggagawa na hindi sumasahod kung hindi papasok sa trabaho.

Kasya na umano ang halagang ito sa loob ng 23 araw at dahil aabot sa 6.9 milyon ang mga ito sa buong Luzon, ay mangangailangan ang gobyerno ng P65 Billion para rito.

Kailangan aniyang maibigay ang tulong na ito sa mga tao sa lalong madaling panahon, ayon kay Abante dahil ang “dalawang concern ng ating kababayan: takot silang magkasakit at takot silang magutom. These are the two concerns that the government must address immediately.”

MAY PONDO

Ibinunyag naman ni House deputy speaker Loren Legarda na may mahuhugot ang gobyerno na pondo para magamit sa agarang pagtulong sa lahat ng mamamayan na apektado ng COVID-19.

Ayon sa mambabatas, mayroong P56 Billion budget para sa “unconditional cash transfer” na nasa ilalim ng Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) law na puwedeng hugutin muna.

Mismong ang National Economic Development Authority (NEDA) aniya ang nagsabi na noong 2019 ay P18.7 Billion ang hindi nagamit na “unconditional cash transfer” at P36.4 Billion naman ang inilaan dito sa ilalim ng 2020 General Appropriations Act (GAA) o 2020 national budget. BERNARD TAGUINOD

Related posts

Leave a Comment