PARUSA SA ABUSADONG PULIS PINAREREPASO

0

PINAREREPASO ng isang senador ang mga pamantayan sa pagdidisiplina sa hanay ng Philippine National Police (PNP) na masasangkot sa krimen.

Ito ang sinabi ni Senador Win Gatchalian upang hindi na maulit ang mga krimeng kinasasangkutan ng mga pulis at iba pang alagad ng batas tulad ng ginawang pagpatay ni Police Master Sergeant Jonel Nuezca sa mag-ina sa Tarlac.

“Batay sa video doon sa kaso ni Nuezca, talagang makikita natin na parang walang kaluluwa ‘yung pulis na pumatay sa mag-ina. Sa pag-aanalisa ko dito, tingnan natin nang maigi ‘yung proseso ng pagdidisiplina sa mga tiwaling pulis nang sa ganu’n ay maalis na sila sa hanay ng mga matitinong pulis,” ani Gatchalian.

“Maari tayong magpasa ng batas kaugnay sa proseso ng pagpapataw ng karampatang disiplina sa hanay ng PNP at kung kinakailagan nito ng karagdagang budget, maari rin tayong magpasa ng batas para mabigyan ito ng kaukulang budget,” dagdag pa ng senador.

Isa si Gatchalian sa anim na senador na naghain ng Senate Resolution No. 600 para sa pagsasagawa ng imbestigasyon sa serye ng mga pagpatay ng mga pribadong indibidwal – kabilang na rito ang mga abogado, mamamahayag, at miyembro ng iba’t ibang propesyon – upang alamin ang butas sa pagpapatupad ng mandato ng mga tinaguriang tagapagpatupad ng batas.

Sakop ng nasabing resolusyon ang mga kaganapan sa serye ng patayan kabilang na ang kasong kinakaharap ni Nuezca at ayon kay Gatchalian, nais nilang alamin ang mga kaukulang aksyon na isinagawa ng National Police Commission (Napolcom) at iba pang ahensya na may kaugnayan sa pagpapatupad ng batas at pagpapataw ng parusa. (NOEL ABUEL)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment