PERFORMANCE NG NGCP SINUSURI NA NG SENADO

0

SINUSURI ng Senate Energy Committee ang performance ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) pati na ang pagsunod sa mga obligasyon nito batay sa nakasaad sa konstitusyon, sa EPIRA, prangkisa, at kontratang nilagdaan nito sa gobyerno, ayon kay Senador Win Gatchalian.

“Maraming bagay na dapat nilang i-comply at tuloy-tuloy yung aming review. Kung sumunod sila sa mga alituntunin at obligasyon nila, hindi na dapat galawin ang kanilang prangkisa. Binibigyan natin sila ng oras para ma-correct sila at kung hindi nila iko-correct o hindi sila magko-comply, doon na tayo pwedeng magsagawa ng mas marahas na hakbang kabilang na ang pagbawi sa kanilang prangkisa,” ani Gatchalian.

Anoman ang magiging rekomendasyon ng Energy Committee, na pinamumunuan ni Gatchalian, ay isusumite sa Senate Public Services Committee na siyang sumasakop sa usapin ng pagtatanggal ng prangkisa, paliwanag ng senador.

Sinabi ni Gatchalian na ang pagsisiyasat sa performance ng NGCP ay sinimulan na ng kanyang komite bago pa ang pinakahuling rotational brownouts na nangyari sa iba’t ibang bahagi ng Luzon na nagtulak para magsagawa ng imbestigasyon sa Senado.

Matatandaan na sinabi ni Energy Secretary Alfonso Cusi sa mga nakaraang pagdinig na kailangang magpasa ng batas para amyendahan ang prangkisa ng NGCP kasunod ng hindi nito pagtalima sa Department of Energy (DOE) circular na nag-uutos ng pagkuha ng 100 percent firm contracts para sa reserbang suplay na, ayon kay Cusi, ay isa sa mga dahilan kung bakit nagka-brownout sa iba’t ibang bahagi ng Luzon noong katapusan ng Mayo hanggang unang bahagi ng Hunyo.

Napabalitang pinulong ni Pangulong Duterte ang mga opisyal ng NGCP at energy department noong nakaraang Biyernes, Hunyo 25, sa Malacanang upang maiwasan ang muling pagbabadya ng brownouts sa Luzon. Isa sa mga sinasabing natalakay rin sa naturang pagpupulong ay ang hindi pagsunod ng NGCP sa mga kasunduang nilagdaan nito sa ilalim ng kontrata nila sa gobyerno.

Ang pag-iimbestiga sa prangkisa ng NGCP ay dati nang iminungkahi sa isang pagdinig ng komite ni Gatchalian noong Marso 2020 pati na rin ang pagkwestiyon sa mga dayuhan na may mataas na posisyon sa kumpanya na labag sa mga umiiral nating batas sa bansa.

“Ang franchise privilege ay binibigay natin dahil merong katumbas na responsibilidad yan. At tinitignan din natin kung yung responsibilidad na yun ay ginagampanan nila. Kung hindi nila ipinapatupad ang kanilang mandato, magkakaroon talaga tayo ng problema. Kaya patuloy ang pagsusuri namin sa performance ng NGCP. Titignan natin kung kakailanganing bawiin o amyendahan ang kanilang prangkisa.

Importanteng may due process, importante ‘yung review para makita natin kung ano ang tamang aksyon pagdating sa prangkisa ng NGCP,” giit ni Gatchalian. (ESTONG REYES)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment