PILOT FACE-TO-FACE CLASSES KASADO NA

0

INAPRUBAHAN na ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pagsasagawa ng pilot face-to-face classes.

Sa regular press briefing ni Presidential spokesperson Harry Roque ay inanunsiyo ni DepEd Secretary Leonor Briones ang gagawing pagsisimula ng face-to-face classes na lilimitahan mula sa 100 paaralan.

Base sa guidelines , maisasagawa lamang ang pilot face-to-face kung papasa sa safety assessment ng Deped ang area kung saan gagawin ang klase.

Kailangan din aniya na may pahintulot mula sa LGU at written consent mula sa mga magulang ng mga estudyanteng lalahok sa face-to-face classes.

Sinabi ng Kalihim na magiging limitado ang kapasidad ng mga estudyante para sa naturang set up.

Sa Kindergarten ay 12 learners lamang ang lalahok habang ang nasa Grade 1 to 3 ay kailangang 16 lamang at ang mga nasa hanay naman ng technical o vocational learners ay lilimitahan sa 20.

Inaasahang sisimulan ang pilot testing ng face-to-face classes “in 2 months time.”

Pang-alis ng takot

Ikinatuwa naman sa mababang kapulungan ng Kongreso ang go signal ni Pangulong Duterte na simulan na ang pilot test sa face-to-face classes dahil isang hakbang umano ito para matuto ang tao na mamuhay sa gitna ng pandemya at pang-alis na rin sa takot sa COVID-19.

Gayunpaman, sinabi ni House committee on constitutional amendment chairman Alfredo Garbin na kailangang tiyakin na bakunado muna ang mga estudyante na papayagang dumalo sa face-to-face classes kasama na ang kanilang mga guro, school personnel at maging ang mga driver ng mga school bus.

“Anything less would be unsafe for students, teachers, and their families,” ayon sa mambabatas at kailangang magtakda aniya ng panuntunan ang Commission on Higher Education (CHED) at Department of Education (DepEd) para matiyak ang kaligtasan ng lahat sa loob ng school campus.

Sakaling simulan na aniya ang pilot testing ay unahing papasukin ang mga senior high school na edad 17 hanggang 18 sa basic education bago ang mga lower grade.

Nauna nang sinabi ni ACT party-list Rep. France Castro na nagagastusan nang husto ang mga public school teacher sa blended learning kumpara sa face-to-face classes dahil mula sa sariling bulsa galing ang ibinabayad ng mga ito sa internet. (CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment