Pinoy mas gustong mag-stay at home kahit GCQ UMIIWAS SA VIRUS MAS MARAMI KAYSA PASAWAY

BAGAMAN may mga nakikitang pagsisikip sa daloy ng trapiko sa ilang pangunahing lansangan sa Metro Manila ay mas marami ang Filipino na nananatili sa kanilang bahay kaysa sa mga pasaway.

Ayon sa National Task Force Against COVID-19 chief implementer, mas pinipili pa rin ng nakararami na manatili sa kanilang bahay sa gitna ng nararanasang pandemya sa kabila ng pagluluwag sa ipinatutupad na community quarantine protocols.

Sa ginanap na Laging Handa briefing, inihayag ni Secretary Carlito Galvez Jr., na sa kasalukuyan ay nakararanas ng minimal traffic sa mga “key convergence area” gaya ng EDSA at Commonwealth Avenue simula nang ibinaba ang general community quarantine noong unang araw ng Hunyo.

“Isa sa nakita natin nang mag-ikot tayo, ang ating mga kababayan ay takot pa rin lumabas,” ani Sec. Galvez.

“Nakikita natin na though sa Commonwealth may kaunting traffic pero normal ang mga key convergence area, sa ngayon po umiikot pa rin ako sa EDSA, walang gaanong traffic at nakikita natin na normal ang mga sitwasyon,” ani Galvez.

Magugunitang matapos ang mahigit dalawang buwang hard lockdown sa Metro Manila na kinokonsiderang coronavirus epicenter ng bansa ay inilagay ng gobyerno ang capital region sa ilalim ng GCQ nitong nagdaang Lunes.

Sa ilalim nito, pinayagan na ang pagbubukas ng ilang businesses establishments upang maibalik ang sigla ng ekonomiya.

Subalit patuloy pa rin ang babala ng IATF o Inter-Agency Task Force na manatili sa bahay dahil narito pa rin ang banta ng COVID-19 sa bansa. (JESSE KABEL)

Related posts

Leave a Comment