PONDO HIRIT NI REP. NOGRALES Para sa pagtatayo ng permanent evacuation centers

IGINIIT ni Rizal 2nd District Congressman Fidel Nograles sa national government na pondohan na ang pagtatayo ng mga permanenteng evacuation centers sa bansa na magagamit hindi lamang sa panahon ng kalamidad kundi sa oras ng pandemya.

“Sa panahon ngayon na nagtatalo para sa espasyo ang quarantine facilities at evacuation centers, ang pinakamalinaw na solusyon ay ang pagpapatayo ng permanenteng evacuation centers,” ayon sa mambabatas.

Ginawa ng mambabatas ang panawagan matapos makaranas muli ng malakas na bagyo ang bansa at muling napansin ang kahalagahan ng permanente at matatag na evacuation centers.

“We have to deal with the reality that at least once a year, our country faces a disaster of a scale that requires evacuation,” ayon pa sa bagitong mambabatas kasunod ng pananalasa ng bagyong Rolly sa Bicol Region.

Maliban dito, malimit na naisasakripisyo aniya ang edukasyon kapag nagkakaroon ng kalamidad dahil ginagawang evacuation center ang mga paaralan na hindi aniya mangyayari kung may hiwalay na pasilidad para sa evacuees.

Marami rin umanong eskuwelahan ang ginawang quarantine facilities para sa mga biktima ng COVID-19 pandemic na tinutulan ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones sa isang “Laging Handa” briefing.

Ayon kay Nograles, lalong nakita ang kahalagahan ng permanenteng evacuation centers sa nararanasan ngayon ng bansa na pandemya sa COVID-19 kaya dapat pondohan na ito ng gobyerno.

“It shouldn’t have taken a pandemic for us to realize the perils of cramming people like sardines in make-shift environments. Pero narito na rin lang tayo, huwag sana nating talikuran ang pangangailangang tugunan ang isyung ito,” ani Nograles.

Sa ngayon ay nagpapagawa na ng feasibility study si Nograles para sa pagtatayo ng permanente at matatag na evacuation centers sa kanyang distrito sa Rizal upang matiyak ang kaligtasan ng kanyang mga constituent sa panahon ng kalamidad. (BERNARD TAGUINOD)

93

Related posts

Leave a Comment