PORTABLE SATELLITE, ITINUTULAK NA SOLUSYON SA MABAGAL NA INTERNET SERVICE

HINIMOK ng dalawang mambabatas ang IATF EID (Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases) at iba pang ahensiya ng ehekutibo na mag-deploy ng satellite communications equipment para bumilis at lumakas ang internet signal sa bansa.

Mga VSAT at BGAN ang nais nina Iligan City Rep. Frederick W. Siao at Bohol 3rd District Rep. Alexie Tutor na ipakalat sa mga lugar kung saan nararanasan ang internet signal congestion at mga lugar na mahina ang signal dahil liblib at malayo sa kabihasnan gaya ng mga kabundukan at isla.

BGAN ang acronym para sa Broadband Global Area Network (BGAN) habang ang VSAT ay Very Small Aperture Terminal.

Hindi na bago ang mga BGAN at VSAT equipment dahil nagamit na ang mga ito ng Comelec at DepEd sa mga nakaraang eleksyon bilang back-up kapag hindi naka-connect ang SIM card ng vote counting machines sa servers ng Comelec para mapadala ang resulta ng botohan sa mga presinto.

Portable ang BGAN transmission dahil malaki lang ito nang kaunti sa laptop at pwedeng ikabit sa laptop, smartphone, o desktop computer para sa transmission ng voice calls at data files.

Naiiba ang VSAT sa BGAN dahil kaya nitong magpadala ng mas malalaking bulto ng data na aabot sa 25 Mbps hanggang 50 Mbps, na sapat para sa video conferencing at online meetings.

“I suggest we deploy these equipment and accompanying devices again but this time, to make online learning work for over 32 million students (from kindergarten to college) and the 900,000-strong Department of Education,” ani Rep. Siao, Vice-Chair ng House Committee on Information and Communications Technology.

“In a targeted way, BGANs can boost signals in areas where and when signals are weak, where there are blind spots, and where the cell towers are overwhelmed by high traffic volume. VSATs can be deployed to islands, foothills, mountain slopes, and other remote areas,” dagdag ni Siao.

Maaari ring i-deploy ang VSATs sa mga lungsod at bayan kung saan mahina ang internet signal dahil sa dami ng taong sabay-sabay naka-online.

Samantala, kabilang ang mga BGAN at VSAT sa mga hakbang na inilista ni Rep. Tutor sa House Resolution 946 na naglalatag ng mga posibleng solusyon sa mabagal na implementasyon ng common tower policy ng Department of Information and Communications Technology.

Sa common tower policy, maaari nang mag-share sa isang telecom tower ang mga telecommunication company at internet service provider.

Pinuna ni Rep. Tutor na halos kulelat ang ranking ng Pilipinas sa kalidad ng internet sa buong mundo. CESAR BARQUILLA

Related posts

Leave a Comment