PROBLEMA SA BLENDED LEARNING PINASASAGOT SA DEPED

0

HINDI lang mental health ng mga guro at estudyante na dumaranas ng anxiety ngayong may pandemya ang kailangang tugunan ng Department of Education (DepEd).

Para kay ACT party-list Rep. France Castro, bukod sa mental health helplines ay may iba pang pangangailangan ang mga guro at estudyante sa gitna ng blended learning na ipinatutupad ng gobyerno.

“Mahalagang hakbang ang magkaroon ng helpline ang DepEd para sa mga mag-aaral at guro na nakararanas ng mga mental health problems ngunit hindi dapat titigil sa isang helpline,” ayon sa mambabatas.

Kailangang tugunan aniya ng DepEd ang lumalalang krisis na nararanasan ng maraming guro at mag-aaral sa ilalim ng palpak na pagtugon umano ng administrasyong Duterte sa pandemya.

“Napakahalagang hakbang din na dapat bigyang halaga ng DepEd ang pagbibigay ng sapat na suporta sa mag-aaral at guro para sa pagpapatuloy ng kanilang pagtuturo at pag-aaral sa kabila ng patuloy na pagragasa ng pandemya,” dagdag ng lady solon.

Kabilang aniya sa mga tulong na dapat ibigay ng DepEd sa mga guro ay karagdagang suweldo, bayaran ang kanilang overtime pay, gadgets at internet allowance na P1,500 kada buwan.

Sa hanay ng mga estudyante, kailangang bigyan ang mga ito ng gadgets, learning materials at internet allowance upang makapag-aral nang maayos lalo na’t hindi pa 100 percent ang face-to-face classes.

Dapat din umanong tulungan ang pamilya ng mahihirap na estudyante upang masiguro na hindi sila patitigilin sa pag-aaral dahil sa nararanasang kahirapan na pinalala pa aniya ng pandemya. (BERNARD TAGUINOD)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment