PROTESTA MAIIWASAN KUNG WALANG KUMAKALAM NA SIKMURA

KUNG magpapatuloy ang pagkalam ng sikmura ng mamamayan sa gitna ng enhanced community quarantine, dadami pa ang mga protesta kahit nagbabanta si Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga ito.

Ito ang paniniwala ni Kabataan party-list Rep. Sarah Elago kasunod ng protesta ng mga taga-Sitio San Roque sa Brgy. Pa-asa, Quezon City na ikinagalit ni Duterte at binantaan ang mga ito na babarilin kapag lumaban sa mga pulis.

“Kung laging dadaanin sa takot ni Duterte ang mamamayan kaysa pakinggan niya, at kung patuloy na kakalam ang sikmura ng taumbayan, siguradong mas dadami pa ang mga magpoprotesta,” ani Elago.

Ayon naman kay Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, hindi maiwasang magalit ang mga tao dahil hindi dumarating ang pangakong tulong sa kanila gayung dalawang linggo nang wala silang trabaho.

Binigyan na aniya ng kapangyarihan si Duterte na gamitin ang pondo para matulungan ang mga tao subalit isang linggo na ang nakararaan ay hindi pa naibababa ang ayuda.

Nauna rito, lumabas sa kalsada ang mga galit na residente ng Sitio San Roque, Brgy. Bagong Pag-asa, Quezon City dahil hindi umano dumarating sa kanila ang ayuda ng pamahalaan.

Nagkaroon ng tensyon nang buwagin ng mga pulis ang protesta ng mga residente dahil sa paglabag sa pinaiiral na social distancing sa ilalim ng ECQ at pag-aresto sa 21 sa mga ito.

Dahil dito, umani ng batikos sa social media si Quezon City Mayor Joy Belmonte.

Ayon sa netizens, mali ang naging hakbang ng mga kagawad ng QCPD na arestuhin ang mga nagtipon-tipon na residente. Sa halip, dapat ay hinikayat umano nila ang lokal na pamahalaan ng Quezon City na bigyan ng relief packs ang mga residente.

Nauna nang sinabi ni Josie Lopez, presidente ng Sitio San Roque at miyembro ng grupong Kadamay na may tumawag umano sa kanila at sinabing may mamimigay ng food packs kaya sila naglabasan sa kani-kanilang bahay.

Nabigla na lamang umano sila nang may dumating na mga tauhan ng QCPD at agad silang pinagdadampot.

Nang kunan ng pahayag ng Saksi Ngayon ang tanggapan ni Mayor Belmonte, tumugon sa pamamagitan ng text message si Ms. Rowena Macatao at sinabing: “The Quezon City government wishes to clarify the unfortunate incident that occured this morning at Sitio San Roque. First, the local government and Brgy. Bagong Pag-asa deny media reports.” BERNARD TAGUINOD, JOEL AMONGO

170

Related posts

Leave a Comment