REP. NOGRALES: ANG PAGTULONG AY PARA SA LAHAT

HINDI lang para sa kanyang mga kadistrito kundi sa lahat ng biktima ng kalamidad nararapat ang pagtulong.

Ito ang binigyang diin ni Rizal 2nd District Rep. Fidel Nograles nang magtungo ang kanyang grupo sa tatlong evacuation centers sa Lipa City, Batangas upang maghatid ng relief goods.

Personal na dinala ng mambabatas sa mga biktima ng Bulkang Taal ang relief goods kasama si Rodriguez Chief of Police Lt. Col. Rexpher Gaoiran.

Mainit naman tinanggap ng mga biktima ang grupo ni Cong. Nograles na sinamahan ng grupo ni dating Mayor Menard Sabile sa pag-iikot sa mga evacuation center.

Kabilang sa mga bakwit na nabigyan ng tulong ang mga nasa Lipa Academy Sports Culture and Arts; Inosloban-Marawoy Integrated National High School at Tambo Elementary School na pawang matatagpuan sa Lipa City, Batangas.

Sa panayam kay Cong. Nograles ng Saksi Ngayon News Team, sinabi nito na pagputok pa lang ng Bulkang Taal noong nakaraang Enero 12 ay agad na siyang naghanda ng personal na pera para makapagsagawa ng relief operations sa mga naapektuhan ng kalamidad.

Nababahala ang mambabatas dahil apektado ang kabuhayan ng mga residente sa pagputok ng bulkan maging ang kanilang mga alagang hayop at pananim.

Hindi naman pamamahagi lang ang ginawa nina Cong. Nograles at ex-mayor Sabile dahil kinausap nila at inalam ang kalagayan ng mga bakwit sa mga nasabing evacuation center.

Kasabay nito, hinikayat ni Nograles ang sambayanan na magtulungan at magkaisa lalo sa mga ganitong panahon para maibsan ang epekto ng kalamidad sa mga Filipino. (JOEL O. AMONGO)

Related posts

Leave a Comment