Sa ikatatagumpay ng community quarantine sa NCR KOOPERASYON ANG SUSI -NOGRALES

0

SAKSI NGAYON NEWS TEAM

“NAKIKIUSAP tayo sa mga kababayan natin sa lalawigan ng Rizal, makipagtulungan tayo sa mga hakbang ng gobyerno at sumunod tayo sa lahat ng patakaran. Malalampasan din natin ito.”

Ito ang panawagan ni Rizal 2nd District Representative Fidel Nograles sa kanyang mga kababayan sa nasabing lalawigan matapos ianunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Huwebes na isasailalim ang Metro Manila sa “community quarantine” simula Marso 15 hanggang Abril 14.

Ang patuloy na paglobo ng kaso ng novel coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa ang dahilan kaya itinaas ang COVID-19 alert sa Code Red Sub-level 2, ang pinakamataas na antas.

“Hindi lingid sa ating kaalaman na base sa huling tala ng Department of Health ay umabot na sa 64 ang bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19 kaya sumasang-ayon tayo sa naging hakbang ng inter-agency task force na gawin na ang nararapat upang hindi na lumala pa ang sitwasyon at mas lumaganap ang COVID-19 sa mga karatig lalawigan,” pahayag ni Nograles.

Batay sa resolusyon ng Inter-agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID), hindi na rin muna papayagan ang lahat ng uri ng biyahe papasok at palabas ng Metro Manila simula Marso 15 hanggang Abril 14, ngunit dadaan ito sa araw-araw na pagsusuri ng inter-agency task force.

“Nais nating linawin na ang pagbyahe ng mga kalakal papasok ng Metro Manila at paluwas sa mga probinsiya ay tuloy-tuloy. Nangangahulugan ito na walang dapat ipangamba ang ating mga nasasakupan sa Rizal hinggil sa suplay ng mga produkto, pagkain, at iba pang mga kalakal sa ating mga merkado, mga pamilihan at mga nagtitinda ng tingi,” paliwanag ng mambabatas.

Sa NCR, mananatili ang operasyon ng LRT, MRT at PNR pero ipatutupad ng Department of Transportation ang stringent social distancing measures habang pinaiiral ang isang buwang quarantine para sa lahat.

“Walang dapat ipag-alala ang ating mga manggagawa dahil mananatiling normal ang daloy ng mga pampublikong sasakyan upang may masakyan sila papasok sa trabaho gayundin sa pag-uwi ngunit kailangan nilang sundin ang social distancing guidelines,” ayon kay Nograles.

“Hindi tuwirang pagbabawalan ang mga taga-Rizal na pumasok at lumabas sa Kamaynilaan basta may maipakita lamang silang katibayan o patunay na sila’y nagtatrabaho sa kumpanyang nakabase sa Metro Manila,” pagtiyak ng bagong mambabatas na nakakuha ng master’s degree in law sa Harvard.

Bukod sa pagpapalawig ng suspensyon ng klase sa lahat ng antas sa buong Metro Manila hanggang ika-12 ng Abril, ipagbabawal din ang “mass gatherings” sa panahong ito, ipatutupad ang ‘barangay-wide quarantine’ oras na may dalawang COVID-19 positive patients mula sa magkaibang bahay sa isang barangay at ‘municipality/city-wide quarantine’ oras na makakita ng dalawang kaso ng COVID-19 sa magkaibang barangay na nasa iisang munisipalidad.

“Nais nating pawiin ang agam-agam ng ating mga manggagawa at mga mamumuhunan sa lalawigan ng Rizal na ang community quarantine sa NCR ay pansamantala lamang. Hinihikayat din natin ang lahat na maging mapagmatyag at kalmado dahil hindi makatutulong kapag nangamba at nataranta. Kailangan nating magkaisa para mabilis na masugpo ang COVID-19,” pagtatapos ng mambabatas.

Related posts

Leave a Comment