Safety ng bakuna dapat ding tiyakin sa mga magulang BAKUNADO BIGYAN NG INSENTIBO – BONGBONG

0

BILANG tugon sa daing ng mga hindi pa bakunadong manggagawang diumano’y hindi pinapayagang magbalik-trabaho, nanawagan si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos sa mga negosyante na magbigay ng insentibo sa mga bakunadong empleyado sa halip na pagkaitan ng hanapbuhay ang iba pang katuwang sa kanilang negosyo.

Bagamat aminado ang dating senador, na pambato ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) para sa nalalapit na 2022 presidential derby, na kailangang protektado maging ang mga lugar ng pagnenegosyo, mas mainam aniyang himukin ang kanilang mga empleyado na magpabakuna kontra COVID-19 na kapwa pabor sa negosyante at mga trabahante.

Paniwala pa niya, isa sa mga paraang epektibo sa panghihikayat ay ang pagbibigay ng insentibo para sa kanilang manggagawang katuwang sa negosyong kanilang pinagkakakitaan.

“Huwag natin kalimutang ang mga manggagawa ang dahilan kung bakit kumikita ang mga negosyo. Dapat natin silang tratuhin sa paraang makatao, at hindi kasama sa pagiging makatao ang pagkaitan sila ng trabaho,” ani Marcos.

Kaugnay naman ng pagbabakuna sa mga kabataang edad 12 hanggang 17, hinimok ng dating senador ang pamahalaan na ituon ang isang malawakan at komprehensibong information and education campaign sa mga magulang ng mga kabataan.

Kasabay nito, iginiit din ni Marcos na higit na kailangan ng mga magulang ang garantiya ng gobyerno sa kaligtasan at bisa ng mga ituturok na bakuna kontra COVID-19.

“Yung information drive na kailangan gawin ng ating pamahalaan ay dapat maipaliwanag ulit na yung bakuna ay kailangan na kailangan natin at yung mga binibigay na vaccine ay lahat safe,” sambit ni Marcos na minsan na rin tinamaan ng nakamamatay na sakit.

Aniya, hindi maiaalis sa mga ama’t ina ng mga kabataan ang magkaroon ng agam-agam lalo pa’t sariwa pa sa isipan ng mga Filipino ang naging kalunos-lunos na kinasapitan ng mga batang naturukan ng Dengvaxia, isang gamot na malawakang ginamit ng pamahalaan noong nakaraang administrasyon kontra Dengue.

Paliwanag pa ng pambato sa pagka-Pangulo ng PFP, malaking bentahe kung maliliwanagan maging ang iba pang tila hindi kumbinsido sa kaligtasan at bisa ng mga bakuna kontra COVID-19 na itinuturok ng pamahalaan sa buong kapuluan sa hangarin tuldukan nang tuluyan ang pandemyang naglugmok sa kabuhayan ng bansa.

“Naapektuhan ang vaccination dahil sa Dengvaxia dahil maraming nasaktan na mga bata kaya yung mga magulang nag-aalangan. Yun ang kailangan na maipaliwanag natin, na mabuti at ligtas ang mga bakuna,” saad pa ng dating senador.

“Lahat ng vaccine ay na-test at milyon na ang nakatanggap niyan. Napakaliit na numero lang ang nagkaroon ng side effect kaya malaking malaking advantage ang magpabakuna,” dagdag pa niya.

Nito lamang nakaraang buwan inanunsyo ng Department of Health (DOH) ang pag-arangkada ng pediatric vaccination para sa mga kabataang edad 12 hanggang 17 na may mga karamdaman, bilang bahagi ng Priority Group A3 sa National Vaccination Program ng gobyerno.

Kaugnay nito, hinikayat din ni Marcos ang mga gobernador at mga alkalde na dalhin ang bakunahan sa malalayong lugar ng kanilang mga lokalidad para maabot maging yaong mga nasa pinakaliblib na karaniwan lang napupuntahan tuwing sasapit ang halalan.

“Kailangan na kailangan itong vaccine, kailangan ipaliwanag at kailangan maging madali ang pag-vaccine. Lahat ng paraan para dumami magpa-vaccine gawin dahil importante talagang mabakunahan ang ating mga kababayan,” pahabol pa ni Marcos.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment