SOLONS SA LTFRB: JEEPNEY DRIVERS HUWAG PAHIRAPAN

NANAWAGAN sina Senador Nancy Binay at Senador Grace Poe sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na huwag nang pahirapan ang mga jeepney driver na nais bumalik sa pagpasada.

Tinukoy ng dalawang senador ang mga requirement na kailangang tugunan ng mga driver bago makabalik sa paghahanapbuhay.

Pinuna nina Binay at Poe ang sistema ng LTFRB sa pagkuha ng QR code ng mga driver sa pamamagitan ng website na nag-crash sa dami na rin ng backlog.

Binigyang-diin pa ni Binay na ilan sa mga driver ang nagsanla o nagbenta na ng mga cellphone kaya’t wala na rin silang paraan para magkaroon pa ng QR code.

“Ang nakalulungkot malaki ang problema natin, marami nawawalan ng trabaho, itong jeepney drivers natin kung sino pa ang kailangang kumita sila pa ang pinipigilan,” saad ni Binay.

Nais namang malaman ni Poe ang mga hakbangin ng gobyerno kung paano pupunan ang kakulangan din ng kita ng mga papayagang bumiyahe dahil sa protocol na 50% lamang ang dapat na maging pasahero nito.

Ipinaalala pa ni Poe na ang tulong sa mga driver sa ilalim ng Bayanihan 1 ay hindi pa lubos na naipamamahagi kaya’t dapat anya itong madaliin na ng gobyerno. (DANG SAMSON-GARCIA)

Related posts

Leave a Comment