SPOX ROQUE HIBANG NA SA COVID-19

PARANG nahihibang na si Presidential Spokesperson Harry Roque kung ilarawan ng ilang netizen matapos itong mapasuntok sa hangin sa labis na katuwaan dahil nagupo o natalo na aniya ng bansa ang prediksyon ng University of the Philippines researchers na papalo sa 40,000 ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas sa pagtatapos ng buwan ng Hunyo (kahapon).

Hindi kumbinsido ang netizens na mali ang projection ng UP lalo pa’t libo umano ang backlogs sa COVID test results.

Ang Pilipinas ay may kumpirmadong 36,438 kaso ng COVID-19 ‘as of Monday”.

Isang research group mula sa UP ang naunang nagsabi na ang coronavirus disease (COVID-19) cases sa bansa ay may potensiyal na umabot sa 40,000 sa pagtatapos ng buwan ng Hunyo o Hunyo 30.

“Wala pong katotohanan ‘yung 10,000 [backlogs], 1,000 plus na lang po ang ating backlog which means we did not hit 40,000 or we will not hit 40,000 by end of June,” ayon kay Sec. Roque.

Napagtanto naman ni Sec. Roque na kahapon ang huling araw ng Hunyo kaya’t napasuntok ito sa hangin sa tuwa.

“Today is the last day na pala. Ano bang sinasabi ko. Wala na po, panalo na tayo! We beat the UP prediction po. We beat it so congratulations, Philippines! Let’s do it again in July,” aniya pa rin.

Sa kabilang dako, para sa buwan ng Hulyo, ang prediksyon naman ng UP researchers ay aabot ang COVID-19 cases sa 60,000.

Nauna rito, humingi ang Malakanyang ng kooperasyon at tulong ng mamamayan sa gitna ng inilalabas na projection o pagtaya ng UP kaugnay sa inaasahang pagsipa ng bilang ng COVID-19 sa bansa.

Base sa pinakahuling pag-aaral ng UP, wala silang nakikitang downward trend sa kaso ng COVID-19 at sa halip, maaari pa ngang pumalo sa 60 libo ang coronavirus sa pagtatapos ng Hulyo.

Kaya ang panawagan ni Sec. Roque sa publiko ay patunayang mali ang datos na inilalabas ng Unibersidad ng Pilipinas gaya na lamang ng naging projection nito para ngayong buwan.

Sa huling tally na inilabas kahapon ng DOH, nasa 36,438 ang kabuuang COVID cases sa bansa na may 1,255 nasawi habang umabot naman sa 9,956 ang nakarekober.

Subalit, duda ang netizens lalo pa’t hindi updated ang iniuulat na kaso ng Department of Health.

Ayon kay @misstravesty, “@attyharryroque nabanggit nyo po na nabeat natin yung 40k na prediction ng UP.

Nakalimutan nyo ba na may late cases pa rin na narereport ang DOH? Technically kasama pa rin yung sa June count dapat kung walang lapses. Di ba po?

Tiniyak naman ng Malakanyang sa publiko na ang pamahalaan ay “in control” sa sitwasyon ng COVID-19 sa bansa.

Pinagaan ng pamahalaan noong Hunyo 1 ang quarantine restrictions sa Metro Manila at iba pang hotspots para buhayin ang ekonomiya sa kabila ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19. CHRISTIAN DALE

Related posts