SUSPEK SA PASTILLAS SCAM PINAKAKASUHAN

HINIMOK ni Senador Risa Hontiveros nitong Miyerkules na sampahan ng mga kasong kriminal ang mga indibidwal na sangkot sa pastillas bribery scam.

“Kung akala nila napatahimik nila ang imbestigasyon ukol sa pastillas scam, nagkakamali sila. Oras na para todong i-overhaul ang Bureau of Immigration.

Ang mga inirerekomenda nating kasuhan sa ating committee report ay mga immigration personnel. Dalawang taon ang ginugol ng imbestigasyong ito dahil desidido tayong mapanagot ang mga tunay na may sala,” saad ni Hontiveros.

Una nang nagsagawa ng imbestigasyon ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations, at Gender Equality sa kaugnayan ng paglaganap ng Philippine offshore gaming operators (POGO) at pagdami ng mga kaso ng prostitusyon at human trafficking.

“Malakas ang ebidensya natin — mula sa napakaraming screenshot hanggang sa testimonya mismo ng ating mga whistleblower na taga-BI rin. Salamat sa kanilang katapangan at pakikiisa. Ito din ay patunay na hindi lahat sa BI masasama at corrupt; may mabubuting loob na gusto rin baguhin ang mga nakasanayan na,” paliwanag ng senador.

Bukod sa mga tauhan ng Bureau of Immigration, inirerekomenda rin ng committee report na magkaroon ng karagdagang pagsisiyasat sa posibleng pananagutan ni dating SOJ Aguirre sa pagkakatalaga nito kay Marc Red Mariñas at sa pag-iisyu ng Department Order No. 41 na nagpahintulot sa mag-amang Mariñas na magkaroon ng wide discretion sa pag-apruba ng Visa Upon Arrivals.

“Dapat may managot. Bilyon-bilyong salapi ang nakupit ng mga kriminal na nasa likod ng Pastillas scam sa Bureau of Immigration. Malaking kahihiyan ito. Nang dahil sa kanila, nakapasok ang mga masasamang elemento sa ating bansa na nambiktima ng ating kababaihan at kabataan,” dagdag ng senador.

“Kailangang palakasin ang check and balance mechanisms sa loob ng BI. Nang dahil sa mga tiwaling opisyal, buhay at kinabukasan ng mga Pilipino ang nasisira. Bigyan natin ng hustisya ang ating kababaihan at kabataan. Kasuhan ang may anomalya, panagutin ang may sala,” pagtatapos ni Hontiveros. (DANG SAMSON-GARCIA)

Related posts

Leave a Comment