TALO ANG GOBYERNO AT TAUMBAYAN – MATIBAG KONTRATA NG NGCP REBISAHIN

PINAREREBISA ng National Transmission Corporation (TransCo) ang kontrata ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) dahil umano sa hindi pagiging patas sa pamahalaan at taumbayan.

Ayon kay TransCo President Atty. Melvin Matibag, dapat marebyu ang concession agreement para tanggalin ang mga hindi tamang probisyon at ma-validate ang mga reklamo at ebidensya na lumalabas ngayon laban sa NGCP.
Napag-alaman na halos P3 bilyon lamang ang ibinabayad ng NGCP sa gobyerno kada taon pero ang kita nito ay umaabot sa P39 bilyon.

Lumalabas na P168 bilyon lamang ang concession fee na dapat bayaran ng NGCP sa gobyerno sa 20-year na concession agreement.

Sinabi pa ni Matibag na base sa financial statement ng NGCP, sa loob ng sampung taon ay kumita na ito ng P187 bilyon na sobra-sobra na sa P168-B na kontrata nito sa gobyerno kung saan binayaran pa nila ito ng installment basis sa loob ng dalawampung taon.

Isiniwalat pa ng abogado na ang tanging binabayaran ng NGCP sa kanilang tax ay 3% percent at exempted ang mga ito sa income o interest deposit samantalan noong GOCC pa ang TransCo, ang binayaran nitong tax ay P10 bilyon kada taon.

Aniya, sa loob din ng sampung taon ay hindi nagawang makapag-audit ng gobyerno sa NGCP dahil nagsasampa ito sa korte ng Temporary Restraining Order (TRO).

Sa hearing na isinagawa ng Senado nitong Pebrero 3, 2020, inilabas ni Senator Richard Gordon ang isang dokumento ng NGCP na pirmado ng Chinese na ang posisyon ay Chief Technical Officer na katumbas ng Chief

Operating Officer na isang paglabag sa concession agreement.
“Nais din natin itong silipin kung ilan ba ang Chinese national na mga empleyado ng NGCP,  ano-ano ang posisyon ng mga ito na hindi dapat sila ang nakaposisyon,” dagdag pa ni Matibag.

Nabatid pa na sa 41 kontrata, tanging apat umano ang nakapirmang Filipino habang 37 ay pawang Chinese National ang nakalagda.

Base pa kay Matibag, kaya sila nagkakasagutan ng NGCP ay dahil sa paghahanap nito ng Dark Fiber na siyang gagamitin sana para magkaroon ng National Broadband sa bansa na dapat ang magpatakbo ay ang gobyerno.

Lumilitaw na sa oras na pinagana ang Dark Fiber ay maaaring kumita ang gobyerno ng P22 bilyon hanggang P30 bilyon kada taon kaya nais umano ng NGCP na hawakan ito.

“Mas malala ito sa Manila Water kung tutuusin kasi ang tinake-over na risk ng Manila Water in terms of process ay 65 percent habang 23 percent risk lamang sa transmission dahil pag gusto natin magnakaw ng tubig ay pwede ka lamang magbukal o kumabit sa kanila, habang high voltage ang transmission at pag magnanakaw ka ay makukuryente ka,” paliwanag ni Matibag.

Naniniwala rin si Matibag na mayroong solid grounds para kanselahin ang concession agreement ng NGCP dahil na rin sa ilang paglabag nito at pang-aagrabyado umano sa gobyerno at taumbayan sa transaksyon nito.

Dahil dito, nanawagan ang abogado sa Kongreso, Senado at kay Pangulong Rodrigo Duterte para tumulong na makita ang pagkukulang sa concession agreement sa NGCP para maitama ito.

Sa March 10 ay muling magkakaroon ng pagdinig sa Senado laban sa NGCP. TJ DELOS REYES

67

Related posts

Leave a Comment