‘TEACHER EDUCATION EXCELLENCE’ MAHALAGA SA PAGTUGON SA KRISIS SA EDUKASYON

0

PASADO na sa Senado ang isang panukalang batas na layong iangat ang kalidad ng edukasyon at pagsasanay ng mga guro sa bansa. Para kay Senador Win Gatchalian na may akda at sponsor ng naturang panukala, ito ay mahalagang hakbang upang matugunan ang krisis sa edukasyon ng bansa.

Layon ng Senate Bill No. 2152 na amyendahan ang Republic Act No. 7784 upang patatagin ang Teacher Education Council (TEC) na unang nabuo noong 1993.

Sa ilalim ng panukalang batas, paiigtingin ng TEC ang ugnayan sa pagitan ng Commission on Higher Education (CHED), Professional Regulation Commission, at Department of Education (DepEd), ang tatlong ahensyang may kinalaman sa edukasyon ng mga guro.

Titiyakin ng panukalang batas ang ugnayan sa pagitan ng pre-service education na nagsisimula sa kolehiyo at ng in-service education o ang training na natatanggap ng mga guro kapag nagsimula na silang magturo.

Ayon kay Gatchalian, ang pag-angat sa kalidad ng training at edukasyon ng mga guro ay makakatulong sa pag-angat sa kalidad ng edukasyon ng mga mag-aaral na nasa elementarya at high school.

Pinuna ni Gatchalian ang mababang passing rate ng Licensure Examination for Teachers (LET). Mula 2010 hanggang 2019, tatlumpu’t limang (35) porsyento lamang ng mga kumuha ng LET para sa high school ang nakapasa. Samantala, dalawampu’t walong (28) porsyento lamang ang nakapasa sa mga kumuha ng LET sa elementarya.

Noong 2019, wala pang limampu (46) sa mga Teacher Education Institutions (TEIs) ang nabibilang sa Better Performing at Top Performing Categories ng LET para sa elementarya. Ibig sabihin, hindi bababa sa pitumpu’t limang (75) porsyento sa mga graduates ng mga TEIs na ito ang nakapasa. Samantala, mahigit walong daang (815) mga TEIs ang nasa Worse o Poor Performing Categories, o iyong may mga passing rates na wala pang limampung (50) porsyento. Sa Secondary level naman, wala pang tatlumpu (27) ang nasa Better o Top Performing TEIs at isang libo (1,000) ang nasa Worse o Poor Performing schools.

“Hindi natin maiaangat ang kalidad ng edukasyon ng ating mga kabataan kung wala ring dekalidad na pagsasanay at edukasyon ang ating mga guro. Ang mga guro ay ang mga frontliners natin sa pagsugpo sa krisis sa edukasyon kaya dapat tiyakin na mula sa kolehiyo hanggang sa pagtuturo, sila ay handa at may sapat na kakayahan,” ani Gatchalian.

Ang pinaigting na TEC ay bubuo ng roadmap para sa edukasyon ng mga guro. Ito ay magbibigay ng mandato, magmo-monitor, at magpapatupad ng quality assurance sa mga itatalagang minimum requirements sa teacher education programs. Ito ay upang matiyak ang matatag at malinaw na ugnayan sa pagitan ng mga outcomes ng teacher education programs, ang professional standards para sa mga guro, pananaliksik, at international best practice. (ESTONG REYES)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment