‘Tinulugan’ ang prangkisa ng ABS-CBN tulad ng ginawa ni Belmonte CAYETANO TAKOT SA KUDETA – PM

Ni: NELSON S. BADILLA

MISTULANG kinopya ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang ginawang ‘pagtulog’ ni dating Speaker Feliciano “Sonny” Belmonte Jr. sa prangkisa ng ABS-CBN Corporation mula 2014 hanggang 2016.

Hanggang ngayong Mayo 2020 ay hindi gumawa ng mapagpasyang hakbang si Cayetano upang aksiyunan ng komite ng Kamara de Representantes para sa Legislative Franchises na pinamumunuan ni Rep. Franz Alvarez kahit ilang ulit na binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa media na hindi siya “makikialam” sa desisyon at aksiyon ng mga kongresista ukol sa pagpapalawig ng 25-taong prangkisa ng ABS-CBN.

Bago tanggalin sa puwesto, ilang beses ding tiniyak sa media ng dating tagapagsalita ni Duterte na si Atty. Salvador Panelo na “totoo” ang pahayag ng pangulo.

(12 panukala sa “renewal”)

BATAY sa rekord ng Kamara, simula noong Hulyo 2019 ay mayroong labindalawang panukalang batas tungkol sa “renewal” ng prangkisa ng ABS-CBN.

Ngunit, ilang araw lamang bago magkaroon ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Luzon nagsimulang mag-usap ang mga kasapi ng komite ni Alvarez ukol sa sandosenang House Bills (HBs), kabilang ang inihain ni Davao City Rep. Karlo Nograles bago ito italagang cabinet secretary ni Duterte.

Nabalita sa media na ang unang paksa sa nasabing pulong ay tungkol sa mga alituntuning susundan sa pagtalakay sa prangkisa ng ABS-CBN.

(Takot makudeta si Cayetano – Fortaleza)

ANG pahayag ng tagapagsalita ng Partido Manggagawa (PM) na si Wilson Fortaleza nang tanungin ng manunulat na ito kung naniniwala itong takot si Cayetano na ipatanggal ito ni Duterte sa pagiging speaker ng Kamara ay “Possibly the main factor [for Cayetano’s fear from House top post’s coup d’ etat]. Aanhin ang prangkisa ng Dos kung s’ya naman [ang] mawalan ng power.”

Bilang speaker ng Kamara, si Cayetano ang ikaapat na pinakamakapangyarihang opisyal ng pamahalaan.

Kinakatawan ni Cayetano ngayong 2019 hanggang 2022 ang unang distrito ng lungsod ng Taguig at ang munisipalidad ng Pateros sa mababang kapulungan ng Kongreso.

Kumbinsido si Fortaleza na higit na mahalaga kay Cayetano ang pampulitikang kapangyarihan kaysa bigyan ng panibagong 25 taon ang pamilya Lopez ng kontrata upang magpatuloy ang operasyon ng mga istasyon ng telebisyon at radyo nito sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.

“Following an order [from the president on very important issues to the latter like the ABS-CBN’s franchise renewal issue] is a major political decision. Lalo na sa kanya (Cayetano) na hindi naman nakatago ang ambisyon na maging presidente,” paliwanag ni Fortaleza sa pagtatanong ng manunulat na ito sa pamamagitan ng messenger.

Sabi pa nga ni Albay First District Rep. Edcel Lagman nitong nakalipas na linggo, bumabatay si Cayetano sa posisyon ni Duterte na huwag bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN, kaya hindi nito pinakikilos ang kanyang majority floorleader na si Leyte Rep. Martin Romualdez, 22 deputy speakers at ang House Committee on Legislative Franchises.

(Ginaya ang ‘pagtulog’ ni Belmonte)

ANG mistulang ‘pagtulog’ at ‘di pag-aksiyon’ ng Kamara sa ilalim ng liderato ni Cayetano tungkol sa prangkisa ng ABS-CBN ay katulad na katulad sa ginawa ni dating Speaker Belmonte noong si Benigno Simeon “Noynoy” Cojuangco Aquino III pa ang pangulo ng bansa.

Hindi kumilos si Belmonte upang ipasa ang panukalang batas tungkol sa prangkisa ng ABS-CBN.

Si Belmonte ng ikaapat na distrito ng Lungsod Quezon ay siyang speaker ng Kamara mula Hulyo 2010 hanggang Hunyo 30 2016.

Bilang hepe ng Kamara, kontrolado ni Belmonte ang mayorya ng mga kongresista.

Sina Belmonte at Aquino ay magkasama sa Liberal Party (LP).

Parehong lider ng LP ang dalawang politiko.

Ang totoo, lumipat si Belmonte sa LP mula Lakas-NUCD-UMDP upang makatiyak na magiging speaker siya noong 2010 hanggang 2013.

Si Belmonte ay executive vice-president at chairman ng Lakas-NUCD-UMDP sa National Capital Region (NCR) noong pangulo ng bansa si Gloria Macapagal-Arroyo.

(Belmonte, tagahabol ng mga kalaban ni Noynoy)

NANG manalo ulit sa eleksyon noong 2013, nanatili sa tuktok ng pamunuan ng mababang kapulungan si Belmonte hanggang matapos ang termino ni Aquino.

Ang balita noon sa Kamara, mabilis na kumikilos si Belmonte kapag mayroong iniuutos si Aquino, partikular na ang pagpapatanggal sa mga taong kinamumuhian ni Aquino.

Dalawa sa mga isyung inaksyunan ng Kamara ni Belmonte ay ang pagpapatalsik kina Merceditas Gutierrez sa pagiging Ombudsman at Renato Corona sa pagiging punong mahistrado ng Korte Suprema, sa pamamagitan ng impeachment.

Hindi nakarating ng Senado ang impeachment proceedings laban kay Gutierrez dahil bigla itong nagbitiw sa puwesto.

Nakarating naman sa Senado ang mga ikinaso ng administrasyong Aquino kaban kay Corona hanggang matanggal ito sa puwesto.

Ilang araw matapos manalo ang kaso ni Aquino, isiniwalat ng noo’y Senador Jinggoy Estrada ang “reliable information” niyang lahat ng bumotong senador upang mapatalsik si Corona ay nakatanggap ng tig-P50 milyong Disbursement Allocation Program (DAP) o mas paboritong tawaging ‘pork barrel’ sa media at ilang political analysts.

Tatlong senador ang hindi pumabor na patalsikin si Corona.

 

(Aquino, gustong tanggalin ang ehekutibo – BBM)

ISA sa kanila ay si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos II dahil kumbinsido ang huli na hindi matibay, hindi malakas, hindi sapat at hindi substansiyal ang mga krimeng isinampa sa Senado upang magdeklara ang huli na si Corona ay nakagawa ng “culpable violations” ng Saligang Batas.

Ang dalawa pang senador na kumontra sa kahilingan ni Aquino ay sina Joker Arroyo at Mirriam Defensor-Santiago.

Sabi ni Marcos nang interbyuhin ng media noon hinggil sa pagiging diktador ni Aquino matapos manalo ang impeachment laban kay Corona: “it would seem to be an attempt of the President to remove the co-equal status of the branches of government and make the executive more equal than others, which violates all the democratic principles we enshrined in our constitution.”

Ang punto ni Marcos na bantog sa tawag na “BBM” ay gusto ni Aquino na solo ang ehekutibo na tahasang paglabag sa Konstitusyon.

Matatandaang ibinalita noong 2012 sa media na kinastigo ni Aquino nang harap-harapan ang media, kabilang ang ABS-CBN, hinggil sa hindi patas na paglalabas ng balita sa kanyang mga ginagawa bilang pangulo ng bansa.

Partikular na pinagalitan ni Aquino ang ABS-CBN habang nakikinig si Noli de Castro, news readers sa TV Patrol at naging bise-presidente ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Nabanggit din sa media na inamin umano ni Aquino na gusto niyang kontrolin ang media.

Hindi ito naganap sapagkat siguradong maraming papalag, kabilang na ang National Press Club (NPC) na pinamumunuan noon ni Remate Columnist Benny Antiporda, undersecretary ngayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Kolumnista pa rin ng Remate si Antiporda hanggang ngayon.

(Hindi “urgent” ang prangkisa ng ABS-CBN)

DAHIL hindi naman puwedeng ipa-impeach ni Aquino ang sinoman sa pamilya Lopez, partikular na si Gabby Lopez, hindi naglabas ng pahayag si Aquino noong 2014 na nagsasabi sa Kamara na “urgent” ang panukalang batas hinggil sa prangkisa ng giant TV network.

Hindi rin nagkusa si Belmonte na pakilusin ang kanyang mga ‘bataan’ sa Kamara upang mabigyan ng prangkisa ang Kapamilya Network dahil ayon sa maraming sources, takot na ipatanggal siya ni Aquino sa pagiging speaker ng Kamara.

Hindi rin kumilos si Gabby Lopez kahit banas na banas ito si ginawa ni Aquino.

Ang sumingaw na balita sa media mula sa ABS-CBN ay aktibong kikilos ang pamunuan ng huli pagkatapos ng termino ni Aquino kung saan ang nasa isip noon ni Lopez ay “sure winner” si dating Interior Secretary Manuel “Mar” Roxas II sa eleksyon sa pagkapangulo noong 2016.

(Dismayado sa pagkatalo ni Roxas)

HINDI nanalo si Roxas sa halalang 2016 dahil milyun-milyong boto ang naglagay ng tuldok sa kanyang ambisyong maging pangulo ng Pilipinas.

Ang nagwagi ay ang beteranong alkalde ng Davao City na si Rodrigo Duterte mula sa 16 milyong botong nakuha niya sa eleksyon.

Dismayado ang pamilya Lopez, lalo na si Gabby Lopez, dahil alam niyang nakagawa ng “krimen” ang ABS-CBN kay Duterte.

Tungkol ito sa balitang hindi inilabas ng Kapamilya Network ang patalastas ni Duterte noong panahon ng kampanya kahit binayaran na ito ng kampo ng dating alkalde.

Sa halip ang lumabas nang ilang beses sa telebisyon ng ABS-CBN ay ang patalastas na gumamit ng mga bata o minor de edad nang lantaran at diretsahang lumalait at sumisira sa pagkatao ni Duterte.

Ang nagbayad daw nito ay ang noo’y senador na si Antonio Trillanes IV.

Si Roxas ang sinuportahan ni Trillanes noong eleksyon.

Isa sa mga opisyal ng National Press Club (NPC) na nagsusulat sa pahayagang tabloid ang magpapatunay ng impormasyong ito na minsang nagpakalat sa social media na kahit siya ay nakatanggap ng nasabing patalastas laban kay Duterte ngunit kahit ito ay babayaran agad ay hindi niya tinanggap.

Ang sabi ng naturang opisyal, lumitaw ang patalastas habang malapit nang matapos ang halalan.

(Nag-aantay ang komite ni Poe)

 

NAKARATING sa manunulat na ito na ang Senate Committee on Public Services na pinamumunuan ni Senadora Grace Poe ay nag-aabang sa ipadadala ng Kamara na panukalang batas hinggil sa prangkisa ng ABS-CBN.

Ang nasabing komite ang nakatoka sa Senado hinggil sa kaso ng dambuhalang kumpanya ng mga Lopez at iba pang dayuhan.

Ang layunin ng grupo ni Poe ay upang pasimulan na ang pagtalakay, paghimay, pagbusisi at pag-aaral sa panibagong 25 taong kontrata ng ABS-CBN bago ito makarating sa plenaryo ng Senado upang aprubahan o kuwestyunin.

Matatandaang inamin ni Poe na maraming katanugang kailangang sagutin ang mga kasapi ng Kongreso makaraang ipatigil ng National Telecommunications Commission (NTC) ang operasyon ng ABS-CBN nitong Mayo 5, isang araw matapos mapaso ang prangkisa n ito na ibinigay noong Marso 30, 1995.

Idiniin pa ni Poe na malaking hamon sa mga senador at kongresista ang kawalan ng mabilis na aksyon ng Kamara ukol sa isyu.

Ilang araw na ang nakalilipas nang muling idiin ng tagapagsalita ni Duterte na si Atty. Harry Roque na bahala ang Kongreso sa kaso ng ABS-CBN.

Nang maging pangulo si Rodrigo Duterte, nagsimula nang maging mainit na balita ang ‘posibleng panghaharang’ nito sa prangkisa ng Kapamilya Network dahil lantaran din nitong idiniin sa media na tutol siyang bigyan pa ng panibagong dalawampung taong kontrata ang TV network.

Makaraang manalong speaker si Cayetano laban kay Marinduque Rep. Lord Allan Jay Velasco, sa pamamagitan ng hatian ng termino, lahat ng gusto ni Duterte ay sinusunod nito kahit hindi siya tinatawagan ng pangulo na gawin ang isang bagay.

Hanggang ngayon, naninindigan ang Malakanyang na hindi umano ‘makikialam’ si Duterte sa prangkisa ng ABS-CBN.

Ilang araw matapos ihain ng NTC ang “cease ad desist order” (CDO) nitong Mayo 5 upang tumigil na ang operasyon ng mga telebisyon at radyo ng giant network, ang “opisyal” na pahayag ni Cayetano ay “The Committee on Legislative Franchises will conduct hearings that are fair, impartial, thorough and comprehensive.”

Hindi nagbigay si Cayetano ng eksaktong araw ng pagdinig ng nasabing komite para umusad na ang isyu tungkol sa prangkisa ng ABS-CBN.

Iginiit ni Lagman nitong nakalipas na linggo na “The only solution is for the House of Representatives and so shall the Senate to pass seasonably the franchise renewal of ABS-CBN.”

Related posts

Leave a Comment