Tunay na kalagayan ng pangulo isapubliko PHOTO OPS NI BONG GO ‘DI BUMENTA

0

(BERNARD TAGUINOD)

HINDI na mabenta o hindi na pinaniniwalaan ng publiko ang photo ops ni Senator Bong Go lalo na sa kalagayan ni Pangulong Rodrigo Duterte na isang linggo na umanong ‘missing in action’.

Ito ang nabatid sa Makabayan bloc sa Kamara kaya hinamon ng mga ito si Go na ilabas nito ang medical certificate ng pangulo upang malaman kung kaya pa rin ba nitong mamuno o hindi na.

Sa press conference ng nasabing grupo kahapon, sinabi ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na hindi kuntento ang mamamayan sa larawan na inilabas ni Go nitong Miyerkoles ng gabi kasabay ng pagputok sa social media ng ulat na dumanas umano ng mild attack ang pangulo.

Sa nasabing larawan, makikitang magkaharap sina Duterte at Go sa isang mesa subalit hindi dito kuntento ang mambabatas dahil hindi nya ito sinabayan ng kahit isang maiksing video lamang.

“Sa photo ops na ginawa ni Senator Bong Go nagtatrabaho daw pero hindi natin makita kung ano yung tinatrabaho. Alam nyo po kasi ang daming problema ng Pilipinas ngayon. Mano man lang na magresponde sa malaking problema natin,” ani Brosas.

Sinabi naman ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate na hindi masisisi ang taumbayan na magduda sa mga inilalabas na larawan ni Go dahil marami umanong insidente na hindi nito ipinakikita ang tunay na sitwasyon.

“Dahil na rin sa mga nakaraang photo ops kasi. Yung photo ops nung panahon ng birthday niya na yung litson hindi nya isinama sa picture. So mahirap pong paniwalaan yun,” ani Zarate.

Ayon naman kay ACT party-list Rep. France Castro, kung talagang maayos ang kalagayan ni Duterte ay dapat naglabas si Go ng video clip at hindi lang larawan na kinukuwestiyon ngayon ng netizens.

“Gumigimik na naman si Senator Bong Go at President Duterte…nagkakaroon ng ganitong gimik, photo ops at kung ano-ano kapag hinahanap ang pangulo,” ani Castro.

Dahil dito, nagkaisa ang mga militanteng kongresista na hamunin si Go na maglabas ng medical certificate ni Pangulong Duterte at agad itong lumabas sa publiko para pangunahan ang problema ng bansa lalo na sa COVID-19 at pang-aagaw ng China sa teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

“Itanong natin ano ang kalagayang medikal ng pangulo. Kung may kakayahan pa bang mamuno. It is the right of the people to know” dagdag pa ni Brosas.

Dismayado rin si Castro kay Go dahil imbes na isa ito sa mga magtatanggol sa mga Pilipino bilang senador ay nauubos ang oras nito sa pagtatanggol sa pangulo.

“Talagang nagsisilbi na lang na super alalay, nurse si Senator Bong Go sa halip na isa rin siya sa nagsasalita para sa Pilipino” ani Castro.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment