Umaray sa lockdown MGA NEGOSYANTE UMAPELA SA IATF

UMAPELA ang isang grupo ng mga negosyante sa Inter-Agency Task Force (IATF) na pakinggan sila pagdating sa pagdedesisyon at pagpapatupad ng lockdown na labis na nakaaapekto sa kanila at sa kanilang mga tauhan.

Sa phone interview ng SAKSI Ngayon kay Perry Mariano, spokesperson ng Quezon City Advocates for Responsible Entertainment Sports + Gaming and Wellness (QCARES +) at isang negosyante, dapat ikonsidera ng IATF na hindi magkakapareho ang mga lugar na kinalalagyan ng mga negosyo. Inihalimbawa nito ang mga negosyo sa Tomas Morato kung ikukumpara sa squatter’s area na delikado ang hawaan ng COVID-19.

Ayon pa sa kanya, dapat makuha man lang ang kanilang panig baka sakaling makatulong sa pagdedesisyon ng IATF sa kanilang pagpapatupad ng mga patakaran na may kaugnayan sa lockdown.

Inirereklamo rin niya na hindi nakararating sa national government ang kanilang mga karaingan, lalo na sa IATF.

Malaking bagay aniya na hindi lahat ng mga negosyo ay isasara pagdating ng lockdown para hindi tuluyang malugmok sa kahirapan ang bansa.

“Yung nagdedesisyon ng lockdown kumakain ng tatlong beses, yung mga tinatamaan ay isang beses lang, minsan hindi pa nakakain sa loob ng isang araw,” banggit pa ni Mariano.

“Sana pakinggan kami baka sakali makatulong, kung hindi wala na kaming magagawa,” dagdag pa ni Mariano.

Inilahad pa niya na siya lang ang nagsalita ngunit marami pang mga negosyante ang gustong magparating ng kanilang kahilingan sa IATF dahil hindi nakukuha ang kanilang panig.

Idinagdag pa niya na pwede namang pagsabayin ang paghihigpit para maiwasan ang hawaan ng virus at pagbubukas ng mga negosyo basta ipatupad lamang ang minimum health standards.

“Sa pagdodoktor lamang sila, pagdating sa giyera panalo sila (IATF), pero pagdating sa pagnenegosyo, kami ang nakakaalam,” paglalahad pa ni Mariano.

Nauna nang iminungkahi ng grupo na ikonsiderang Authorized Persons Outside of their Residence (APOR) ang mga tauhan ng mga establisimyento na ‘fully vaccinated’ laban sa COVID-19.

Simula sa Biyernes (Agosto 6) hanggang Agosto 20, 2021, isasailalim sa ECQ ang National Capital Region (NCR).

Inaasahang sa panahon na ito ay limitado ang paglabas ng mga residente sa buong NCR at kaakibat nito ang pagsasara ng mga negosyong hindi essential.

Ayon pa sa negosyante, halos dalawang taon na silang naghihirap dahil sa mga patakaran ng IATF at hindi napakikinggan ang kanilang panig. (JOEL O. AMONGO)

211

Related posts

Leave a Comment