Utos ng SC na pagpapalaya sa PDLs ikinatuwa REP. NOGRALES PABOR SA PAGLUWAG NG MGA PIITAN

IKINATUWA ni Rizal 2nd District Congressman Fidel Nograles ang kautusan ng Supreme Court (SC) na palayain ang mga low risk People Deprived with Liberty (PDLs) upang mapaluwag ang mga piitan sa gitna ng coronavirus disease 2019 pandemic lalo na’t dumarami umano ang mga preso na tinamaan ng COVID-19.

“While this is not yet the decision on the petition to release low-risk and vulnerable inmates, we welcome the SC’s move, which speaks highly of their compassion and reassures us that the ears of our highest legal authority are not deaf to our pleas for humanity,” ani Nograles na isang Harvard trained lawyer at vice chairman ng House committee on justice.

Sa kautusan ng Kataas-taasang Hukuman sa mga lower court, pinamamadali ang pagpapalaya sa mga PDL na sakop ng 2014 Guidelines sa pagde-decongest sa mga bilangguan sa bansa.

Sakop ng guidelines na ito ang mga inmate o PDLS na nagsilbi na ng higit sa kanyang sentensya at hindi umuusad ang kaso dahil hindi dumarating ang witness.

Umapela rin si Nograles sa gobyerno na agad aksyunan ang mga petisyon ng iba’t ibang grupo na palayain pansamantala ang mga low-risk at matatanda, may sakit at buntis na vulnerable sa COVID-19.

“We hope that this is only the first of many other steps the government takes to address the threat of infection in our congested prisons. Dumarami na ang bilang ng COVID-positive sa ating mga selda, kaya kailangan ng agarang aksyon,” ayon pa sa mambabatas.

Inihalimbawa nito ang kaso ng Correctional Institute for Women kung saan 19 PDLs at isang jail worker ang nagpositibo sa COVID-19 habang 9 na PDL at 9 na jail staff naman sa Quezon City Jail.

Si Nograles na siyang founder ng Lakbay Hustisya Foundation, ay nag-donate kamakailan ng 25 sets ng computer sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) para magamit ng PDLs sa Electronic Visit o E-Dalaw.

“Gumagawa tayo ng mga hakbang, sa pakikipag-ugnayan natin sa BJMP, para masigurong makakapanayam pa rin ng ating mga PDL ang kanilang mga abogado kahit suspended ang visitation rights,” ani Nograles.

Nakatakda ring mag-donate ng 15 computer sets ang foundation ni Nograles sa iba’t ibang kulungan sa Visayas at Mindanao para sa E-dalaw ng mga preso habang umiiral ang ECQ. BERNARD TAGUINOD

Related posts

Leave a Comment