(NI BERNARD TAGUINOD)
TULOY pa rin ang term sharing sa speakership sa pagitan nina House Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Alan Velasco.
Sa ambush interview kay Velasco sa Kamara nitong Lunes, sinabi nito na mayroong kasunduan sa pagitan nilang dalawa ni Ceyatano ukol sa term sharing at hindi umano ito nababago.
“Sa akin, alam ko tuloy pa rin (ang term sharing). Agreement is an agreement. A gentleman’s agreement is a gentleman’s agreement,” pahayag ni Velasco.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil may mga kongresista ang pabor na hindi na baguhin ang kamada ng Kamara sa ilalim ng pamumuno ni Cayetano upang hindi madiskaril ang mga legislative agenda ng administrasyon.
Maliban dito, ngayon lang umano nakapagtala ng mataas na rating ang Kamara kaya may ilang mambabatas tulad ni Anakalusugan Rep. Mike Defensor na ang nais na ipagpatuloy ni Cayetano ang pamumuno sa Kapulungan.
Gayunpaman, kumpiyansa si Velasco na masusunod ang kasunduan sa pagitan nila ni Cayetano kung saan si Pangulong Rodrigo Duterte mismo ang nagmungkahi.
“Based on gentleman’s agreement, see you next year as speaker of the House,” ayon pa kay Velasco.
Kung matutuloy ang term sharing, magiging Speaker si Velasco simula Oktubre 2020 hanggang matapos ang 18th Congress sa Hunyo 2022.
60