WALA MUNANG PABONGGAHAN SA SONA

WALANG magaganap na parada ng bonggang mga kasuotan, gown o magagarang barong sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kinumpirma ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na sa kauna-unahang pagkakataon ay magiging virtual ang SONA, sa July 27.

Sa press briefing via zoom sa Senate Media, sinabi ni Sotto na tatlong opsyon ang kanilang ikinukonsidera sa pagsasagawa ng ikalimang SONA ng Pangulo na pawang ila-livestream.

Una ay ang opsyon na mananatili ang tatlong lider ng gobyerno (Pangulo, Senate President at House Speaker) sa Batasan subalit limitado lamang ang papayagang kasama nila.

Ikalawang opsyon, ang mananatili sa Malakanyang ang Pangulo habang nasa Batasan ang limitadong bilang ng mga senador at kongresista habang ang ikatlo ay nasa Malakanyang ang Pangulo, nasa Batasan ang ilang kongresista at nasa Senado ang mga senador.

“Bottomline, ang tatlong points will be live in their areas but kung sino makaka-attend sa plenary they can, ang house magli-limit, sa Senate naman pwedeng di mag-limit dahil ilan lang kami. All virtual na,” saad ni Sotto.

Sinabi ni Sotto na prayoridad sa desisyon ang kaligtasan ng Pangulo kaya’t para sa kanila, mas maganda ang opsyon na nasa Malakanyang na lamang ang Punong ehekutibo.

Ang mga opsyon na ito ay sa gitna pa rin ng inaasahang patuloy na pagharap ng bansa sa COVID 19 pandemic kung saan limitado pa rin ang galaw ng bawat isa. (DANG SAMSON-GARCIA)

Related posts

Leave a Comment