Walang anomang ayuda sa gobyerno, apela ng middle class PAYAGAN NA KAMING MAGTRABAHO

LUMALAKAS ang panawagan ng mga tinaguriang middle class na payagan na silang makabalik sa trabaho ngayong na-extend na naman ang enhanced community quarantine sa Luzon at iba pang rehiyon.

Umiikot sa social media ang iba’t ibang apela ng mga indibidwal at grupo na naniniwalang dapat nang payagang magbukas ang ilang negosyo at magbalik sa trabaho ang mga manggagawa sa gitna na rin ng kawalan ng ayuda ng pamahalaan para sa middle class.

Nauna nang kumalat ang ‘middle class letter to the poorest of the poor’ na nagpapakita ng desperasyon ng mga manggagawang natigil sa pagtatrabaho bunsod ng pag-iral ng ECQ.

Nakasaad sa nasabing open letter ang himutok ng working class dahil silang mga nagtatrabaho at nagbabayad ng buwis ay sila pa ang tila kinalimutan ng pamahalaan pagdating sa ayuda.

Bahagi ng liham ay nagsasaad na: “Nakakalungkot lang isipin na kayong pinipilit ng gobyernong tulungan, kayo  pa ang hindi halos tumutulong sa gobyerno. Kayo pa yung mga nakikitang nasa kalsada na parang walang pandemic, na pag pinagsabihang manatili sa bahay kayo pa yung galit.  Kayo yung mga nag-iinuman sa labas pero walang maipambili ng bigas. Kayo yung mga nag-abot-abot na ang edad ng mga anak pero di man lang makabili ng gatas. Kayo yung mga umaasa sa tulong pero kahit kelan di naisip maghanap ng trabaho. Kayo yung mga tambay sa kanto na wala na ngang trabaho nakukuha pang magbisyo.”

Isang netizen din ang umapela na huwag nang isama sa lockdown ang working class dahil kailangan nilang magtrabaho para may makain. Sa halip, ang ikulong sa mga bahay ay iyong mga tambay na mahilig lumabas para lang magtsismisan, magsugal at iba pang hindi kapaki-pakinabang na bagay.

Tutal naman aniya ay sa mga katulad nila naka-focus ang ayuda ng pamahalaan. Ayos lang aniya kahit hanggang sa Pasko ilagay sa ECQ ang mga tambay dahil ang mga taxpayer naman ang magpo-provide ng ipang-aayuda sa kanila.

Isa pang netizen ang nag-post naman na habang hindi kasama ang middle class sa ayudang P5K hanggang P8K ay tiyak namang kasama ang mga ito sa pagbabayad sa inutang ng pamahalaan para mapondohan ang ayudang ipamamahagi sa mga poorest of the poor.

Nauna nang umapela kay Pangulong Rodrigo Duterte si Cavite Governor Jonvic Remulla para mabigyan ng ayuda ang middle class.

Ani Remulla, ang mga nakatira sa mga subdibisyon ay halos mga double income homes, OFW’s, single mothers, transport operators at entrepreneurs.

“As grand as their gated villages sound, they are middle class people who see their pay checks every month deducted of their SSS,GSIS, Pag-ibig and salary loans, and the largest part-income taxes.” SAKSI NGAYON NEWS TEAM

140

Related posts

Leave a Comment