WALANG ‘PORK’ SA 2021 BUDGET – SOLON

NANGAKO si Senate Committee on Finance Chairman Sonny Angara na titiyakin nilang walang pork barrel sa 2021 P4.5 trillion national budget.

Sinabi ni Angara na tiyak na magiging mabusisi ang paghimay ng mga mambabatas sa ipinapanukalang budget lalo pa’t sa sitwasyon ngayon na may kinakaharap na pandemya ang bansa.

“Dapat klaro na. Walang blank check na isusulat pa lang after ng passage ng budget dapat klaro ang pupuntahan ng pera ng bayan,” saad ni Angara.

Una nang kinuwestyon ng ilang mambabatas ang sinasabing mga proyekto sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) P786 billion budget kung saan P469 billion infrastructure projects ang re-appropriated.

Sa presentasyon ng panukalang budget sa Senado, inamin ni Budget Secretary Wendel Avisado na may mga error sa National Expenditure Program at nangako na magsusumite ng errata.

Target ni Angara na tapusin ang paghimay sa panukalang budget sa committee level hanggang bago ang kanilang break sa Undas upang mailatag na sa plenaryo sa kanilang pagbabalik sa Nobyembre 16.(DANG SAMSON-GARCIA)

48

Related posts

Leave a Comment