84% ng Pinoy, stressed sa COVID MENTAL HEALTH CRISIS SA PH DAPAT TUGUNAN

NANINIWALA ang isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na mayroon nang krisis sa pag-iisip ng mga Filipino dulot ng COVID-19 pandemic na patuloy na nambibiktima ng mga tao.

Ginawa ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon ang pahayag kasunod ng resulta ng Social Weather Station (SWS) na 84% sa mga Filipino ay nakararanas ng stress dahil sa pandemya sa COVID-19.

“Eighty four percent of Pinoys stressed by COVID19 health crisis…that in itself is a mental health crisis,” pahayag ni Biazon kaya dapat umanong bigyan din ng atensyon ng mga kinauukulan ang
mental health ng mga Filipino.

Base sa nasabing survey na ginawa noong Hulyo 3-6, lumalabas na 86% sa mga Filipino ang nagsabi na nagdulot ng stress sa kanila ang COVID-19 na patuloy na kumakalat ngayon sa bansa.
Sa nasabing bilang ng mga Filipino, 51% sa mga ito ang nagsabi na “matinding stress” ang kanilang nararanasan at 35% naman “much stress” dahil sa nasabing pandemya.

Tumaas naman sa 14% mula sa 11% na naitala noong Mayo, ang magsabi na hindi sila nai-stress sa nasabing pandemya na isang indikasyon na habang tumatagal ang nasabing virus sa bansa ay dumarami ang lubhang nababahala.

Ayon naman kay ACT party-list Rep. France Castro, hindi na ito nakapagtataka dahil marami ang nawalan ng trabaho at hindi alam ng mamamayan kung kailan matatapos ang pandemyang ito.

Dahil dito, kailangan aniyang saklolohan ang mga taong ito ng gobyerno lalo na’t umiiral na ang Republic Act 11036 o Mental Health Law na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong
Hunyo 2018.

Base sa nasabing batas, magkakaroon ng mental health services, hindi lamang sa mga regional at provincial hospital kundi sa mga barangay upang matulungan ang mga taong may personal na
problemang kinikimkim.

“Eto na ang pagkakataon na gamitin ang batas na ‘yan para matulungan ng national government ang mga tao na mawala ang kanilang nararanasang stress,” ayon kay Castro. (BERNARD TAGUINOD)

Related posts

Leave a Comment