BABAE PATAY SA AMBUSH SA QUEZON

QUEZON – Patay ang isang babaeng livestock farm worker matapos tambangan habang pauwi sa kanyang bahay galing sa trabaho sa bayan ng Candelaria sa lalawigang ito, noong Biyernes ng gabi.

Kinilala ng Candelaria Police ang biktimang si Analyn Sarmiento, 42, taga Sitio CYO, Barangay Alabanban Norte.

Base sa report ng Candelaria Police, sakay ng motorsiklo ang biktima galing sa trabaho sa bayan ng Tiaong dakong alas-6:45 ng gabi at binabaybay ang barangay road pauwi ngunit pagdating sa walang bahayan na lugar ay hinarang ito ng suspek at pinagbabaril.

Tinamaan ng walong bala ng .45 kalibreng baril ang biktima sa ulo at katawan na agad nitong ikinamatay.

Ayon sa mga pulis, base sa pwesto ng biktima, binaril pa ito habang nakabulagta na.

Hindi naman nakilala ang suspek na agad tumakas matapos ang pamamaril.

Patuloy pa ang imbestigasyon at inaalam ng mga pulis ang posibleng motibo sa krimen at kung sino ang suspek.

Walang masamang record sa pulisya ang biktima kaya maging ang mga kaanak ay hindi alam ang dahilan ng pananambang sa ginang.

(NILOU DEL CARMEN)

Related posts

Leave a Comment