Bahagi ng pagbabagong nais ng Palasyo LEGAL DEPT NG PHILHEALTH KADA REHIYON

0

KUMBINSIDO si Presidential spokesperson Harry Roque na dapat magkaroon ng pagbabago sa set up ng legal department ng PhilHealth na sinasabing isa sa mga pinagmumulan ng matinding anomalya sa ahensiya.

Ito’y sa gitna ng ulat na sa legal division lahat dumadaan ang mga maaanomalyang claims at nasa diskresyon din aniya nito para palusutin o hindi ang mga iregularidad.

Aniya, mas nararapat gawing regional basis ang legal department ng PhilHealth dahil nakatutok ang lahat dito lamang sa main office.

Dapat din aniya na itulak ang automation sa gitna ng daan-daang milyong piso na hindi napupunta sa account ng PhilHealth at ito ay nasa hurisdiksyon ng IT ng ahensiya na isa rin sa sentro ng imbestigasyon.

Pati reimbursement, ani Roque ay dapat matutukan lalo na ngayong panahon ng COVID-19 na kung saan ay napakaraming cash advances na nailabas.

TASK FORCE SUPORTAHAN

Samantala, umapela si Senate Committee on Health chairman at Senador Christopher Bong Go sa Committee of the Whole na suportahan ang Task Force na binuo ng Executive branch para imbestigahan ang mga anomalya sa PhilHealth gayundin ang ginagawa nitong fact finding at pagsasampa ng kaso sa mga sangkot sa katiwalian sa ahensiya.

Tinawag ni Go ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na tulungan ang IT system ng PhilHealth para maayos na ang data.
Pinarerebisa rin ni Go ang posibleng legislative amendments ng PhilHealth policy tulad ng regular rotation para maiwasan ang masyadong “familiarity” at ang pagbuo ng hiwalay na opisina na tulad ng NLRC na siyang mag-iimbestiga para maiwasan ang sabwatan.

Kaugnay nito, wala aniyang pagsisisi si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtatalaga nito kay resigned PhilHealth president and CEO Ricardo Morales sa ahensiya.

Sinabi ni Go na kumbinsido itong nalusutan lang si Morales ng mga nasa baba niya sa PhilHealth dahil sistematiko na ang korapsyon bago pa man ito maitalaga sa ahensiya.

NAKAUWI NA

Inihayag naman ng isang mambabatas na nakauwi na ang opisyal ng PhilHealth na nakulong sa Batasan Pambansa matapos ma-contempt nang hindi makakuha ang mga mambabatas ng malinaw na sagot sa kanya sa iniimbestigahang katiwalian sa nasabing ahensya.

Ito ang kinumpirma ni House committee on public accounts chairman Rep. Mike Defensor ukol kay PhilHealth senior manager for the internal legal dept Rogelio Pocallan Jr.

“Atty Pocallan left the House of Represenatives premises at 8:06 this morning,” ani Defensor.

Magugunita na nakulong sa Batasan Pambansa si Pocallan matapos magmosyon si Dasmarinas City Rep. Elpidio “Pidi” Barzaga Jr., dahil sa paligoy-ligoy na sagot ng opisyal sa hindi ipinatupad na desisyon ng Court of Appeals (CA) na suspendehin ang Philhealth accreditation ng Perpetual Succor. (CHRISTIAN DALE/NOEL ABUEL/BERNARD TAGUINOD)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment