Bilang paggunita sa Eid’l Adha REGULAR HOLIDAY BUKAS, IDINEKLARA NG MALAKANYANG

0

OPISYAL nang idineklara ng Malakanyang na regular holiday bukas, araw ng Biyernes, Hulyo 31 sa buong bansa bilang paggunita sa Eid’l Adha o Feast of Sacrifice.

“Presidential Proclamation No. 985 (s. 2020), Declaring Friday, 31 July 2020, a regular holiday throughout the country, in observance of Eid’l Adha (Feast of Sacrifice),” ang nagkaisang pahayag nina Executive Secretary Salvador Medialdea at Presidential spokesperson Harry Roque.

Ginugunita sa araw na ito ang pagpayag ni Ibrahim (kilala bilang Abraham) na sundin ang utos ni Allah (Diyos) na isakripisyo ang kanyang anak na si Isaac.

Sinusunod ang pagdiriwang na ito ng lahat ng mga kapatid na Muslim kasama ang Druze sa buong mundo. Ito ang pangalawa at pang­huli sa dalawang kapistahang Eid na ipinagdiriwang ng mga Muslim, na ibinatay sa Kuran. Tulad ng Eid al-Fitr, sinisimulan ang Eid al-Adha sa maikling panalanging sinusundan ng sermon (khuṭba).

Pumapatak ang Eid al-Adha tuwing ika-10 araw ng buwan ng Dhul Hijja mula sa kalendaryong Islamiko. Nagtatagal ng tatlong araw ang pagdiriwang o higit pa, depende sa bansa.

Isinasagawa ang Eid al-Adha pagkatapos ng paglalakbay sa banal na lugar (tinatawag na pilgrimage) mula sa  bundok ng Arafat kung saan naroroon ang Hajj.

Ang Hajj ay taunang Islamic pilgrimage sa Mecca, Saudi Arabia, ang pinakabanal na lungsod para sa mga Muslim. Isang kautusan at obligasyon sa relihiyon na isagawa ng lahat ng may edad na mga Muslim na walang kapansanan at may pinansiyal na kakayahan na isagawa ang pilgrimage.

Sinusuportahan din ang mga pamilya sa panahong wala sila sa kanilang mga tahanan o nasa pilgrimage. Sa Islamic terminology, ang Hajj ay pilgrimage para sa Kaaba, o “House of God”, na nasa sagradong siyudad ng Mecca.

Ang ritwal sa Hajj ay isinasagawa sa loob ng lima, o anim na araw, nagsisimula sa ikawalo at nagtatapos sa ika-13 sa araw ng Dhu al-Hijjah, ang huling buwan sa Islamic calendar.

Isa ito sa five pillars ng Islam, kasama ng Shahadah, Salah, Zakat at Sawm. Ang Hajj ay ikalawa sa largest annual gathering ng Muslims sa buong mundo, matapos ang Arba’een Pilgrimage sa Karbala, Iraq.

Samantala, nangyayari ang Eid al-Adha sa ika-70 mga araw pagkalipas ng katapusan ng buwan ng Ramadan. (CHRISTIAN DALE)

Related posts

Leave a Comment