COVID-19 Delta variant cases tumaas MASS SWAB TESTING INIUTOS SA CALABARZON

0

INUTOS ng Department of Health (DOH)-Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) noong Huwebes, Hulyo 29, ang mass swab testing matapos nitong kumpirmahin ang pagkakarooon ng kabuuang 36 kaso ng Delta variant ng COVID-19 sa rehiyon.

Ayon kay DOH Regional Director Eduardo C. Janairo, nag-deploy na ng epidemiology at health emergency team upang matutukan ang mga komunidad sa pagsasagawa ng swab test sa mga residente.

“Kailangan nating kilalanin kaagad ang mga dahilan ng virus, kung paano ito nagsimula at paano ito nailipat upang pigilan ang pagkalat nito sa mga komunidad,” aniya.

“Ang mga sample na kinuha mula sa mga contact ng mga positibong kaso ay ipinadala na sa Philippine Genome Center para sa validation.

Ang mahalaga ngayon ay para sa lahat na huwag mag-panic at patuloy na sumunod sa health protocols at ang pinakamahalaga ay ang mabakunahan laban sa COVID-19 virus,” aniya pa.

Kabilang sa mga lalawigan na napaulat na may mga kaso ng Delta variant ay ang Cavite na may 9 kaso, partikular sa Imus, Cavite City, General Trias, Silang at Carmona.

Sa Laguna ay may 17 kaso sa mga bayan ng Bay, Los Baños, San Pedro, San Pablo at Calamba City.

Samantala, nakapagtala naman sa Batangas ng 6 kaso sa mga munisipalidad ng Bauan, Lemery, San Juan at Lipa City.

Si Rizal ay may apat na kaso sa Cainta at Rodriguez, habang ang lalawigan ng Quezon ay nanatiling ligtas sa COVID-19 delta variant.

Gayunman, sa 36 kaso, 21 ay naka-recover na, 11 ang under verification, tatlo ang aktibong kaso at isa ang may pending test result.

“Kahit ano pang brand ang mayroon sa ating mga lokal na pamahalaan, magpabakuna po tayo. Ang importante ay magkaroon tayo ng karadagang proteksyon upang kung tayo man ay mahawa at magkaroon ng virus, hindi po tayo makararanas ng severe COVID condition,” pahayag pa ni Janairo.

Ang isang taong infected ng Delta variant ay makararamdam ng mga sintomas katulad ng sipon ngunit walang ubo, pagkawala ng pang-amoy, lagnat at pagkapagod.

Ang mga taong may comorbidity o tulad ng mataas na presyon ng dugo o high blood pressure, mga may problema sa puso o may diabetes, senior citizens, at maliliit na mga bata ay kabilang sa mga posibleng mahawa at magkaroon ng Delta variant.

“Ang DOH regional office, kasama ang mga lokal na pamahalaan ng apektadong komunidad ay patuloy na nagtatrabaho at nagsasagawa ng pagsusuri sa kalusugan, case investigation at contract tracing upang matiyak ang kalusugan at kaligtasan ng publiko.

Doblehin po natin ang pag-iingat lalo na po sa ating paglabas ng ating mga tahanan. Pangalagaan po natin ang ating kalusugan at mga sarili upang tayo ay maging ligtas kasama ang ating mga mahal sa buhay,” ayon pa kay Janairo. (NILOU DEL CARMEN)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment