FACE-TO-FACE CLASSES TINABLA SA SENADO

HINDI papayag si Senador Christopher Lawrence “Bong” Go na ituloy ang face-to-face classes bilang suporta nito kay Pangulong Duterte na huwag payagan ang physical classes hangga’t walang ligtas na bakuna laban sa corona virus 2019 (COVID-19).

“No vaccine, no face-to-face classes muna, ‘yan po ang aming firm stand ni Pangulong [Rodrigo] Duterte … Hindi pa po panahon. Habang wala pang vaccine, ‘wag muna ang face-to-face classes,” idiniin ng senador.

“Pag-ingatan natin ang mga bata. Malilikot rin ‘yung mga nasa murang edad pa kaya malaki ang risk kung papapasukin sila sa eskwelahan,” aniya.

Bukod sa mag-aaral, dapat ding maprotekhan ang kapakanan at kalusugan ng mga guro, ayon sa senador.

“Protektahan rin natin ang kapakanan ng mga guro. Kapag mayroon nang vaccine laban sa COVID-19, nagsabi ang pangulo na uunahin rin sila kasama ang mga frontliners, pati mga mahihirap at nasa vulnerable na sektor,” paliwanang ng senador.

Ginawa ni Go ang pahayag dahil sa ilang bira ng kritiko sa patumpik-tumpik na desisyon ng pamahalaan na payagan ang physical classes, gayong pinapayagan naman na raw ang mga sabong at ilang recreational activities.

“‘Wag n’yo pong ikumpara ang klase sa sabong. May necessary health protocols in place rin po doon… malaki pa po ang kinabukasan ng mga batang ito so unahin natin ang buhay ng bawat Pilipino, buhay ng bawat kabataan,” sabi ni Go sa ambush interview sa kanya sa Cavite City matapos pangunahan ang distribusyon ng ayuda sa mga sinalanta ng bagyo at baha.

Bagama’t aminado siya sa malaking hamon ng online classes, sinabi ni Go na hindi maaaring magbukas ng klase ang paaralan at ibang educational institutions nang walang kakaharaping panganib sa virus ang estudyante, school staff at ang komunidad dahil naririyan pa ang banta ng pandemya.

“What if nagkaroon ng isang kaso? Panibagong problema na naman. Sususpinde na naman ang klase … panibagong contact tracing. Back to zero na naman tayo,” babala ng senador.

“Basta, kapag wala pang vaccine, wala munang face-to-face classes. ‘Yan po ang aking stand at mag-iingay ako kapag ipatutupad nila ‘yan, kung wala pang vaccine,” aniya.

Sinabi naman ni Pangulong Duterte na ikokonsidera niya na payagan ang physical classes sa low-risk areas sa Enero ng susunod na taon.

Gayunman, magdedesisyon lamang ang pangulo kung mayroon nang bakuna sa bansa laban sa virus. (ESTONG REYES)

65

Related posts

Leave a Comment