Hamon sa PhilHealth top officials HUWAG MAGTAGO SA BANK SECRECY LAW – SOLONS

0

HINAMON ng mga mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso ang mga top official ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na lumagda ng waiver upang mabuksan ang kanilang bank accounts at malaman kung sino sa mga ito ang nagpayaman sa health insurance ng mga miyembro.

Ginawa ni Deputy Speaker LRay Villafuerte ang hamon sa joint hearing ng House committee on public account na pinamumunuan ni Rep. Mike Defensor ng Anakalusugan party-list at Committee on good government and public accountability ni Bulacan Rep. Jonathan Sy-Alvarado.

“If they’re innocent and not hiding anything, are they willing to sign a document [bank secrecy waiver] [so] that [the] AMLC [Anti-Money Laundering Council] can check their bank deposits?” hamon ni Villafuerte.

Kinasahan naman ito ng 9 opisyales ng PhilHealth na kinabibilangan nina Oscar Abadu Jr., vice president for the Member Management Group; Jonathan Mangaoang, corporate secretary; Israel

Francis Pargas, senior vice president for health finance and policy sector; Nerissa Santiago, acting senior vice president for actuarial services; Jovita Aragona, senior vice president and chief information officer; Renato Limsiaco Jr., senior vice president for fund management sector; Walter Bacareza, area vice president for the Visayas; Shirley Domingo, vice president for the Corporate Affairs Group at Gilda Diaz, vice president for the Office of the Actuary.

Gayunpaman, hindi lamang ang mga nabanggit na opisyales ang dapat lumagda ng waiver kundi ang iba pang matataas na opisyal ng PhilHealth kasama na ang lahat ng regional vice president.

Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, mahalagang pumirma ng waiver ang lahat ng matataas na opisyal ng PhilHealth lalo na ang mga miyembro ng executive committee (Execom) at mga regional officer para malaman kung saan galing ang perang nakadeposito sa kanilang bank account.

Kasama sa tinanong si PhilHealth president/CEO Ricardo Morales na sumali sa pagdinig sa pamamagitan ng zoom subalit bago ito makasagot ay nag-sign-out ito dahil hindi umano maganda ang kanyang pakiramdam.

Dahil dito, inatasan ni Defensor ang committee secretary na sulatan ang lahat ng opisyales ng PhilHealth at papirmahin ang mga ito ng waiver para malaman ang mga bank transaction ng mga ito. (BERNARD TAGUINOD)

Related posts

Leave a Comment