Hangga’t walang anti-Covid vaccine STATE OF NAT’L HEALTH EMERGENCY PALALAWIGIN

HANGGANG walang bakuna para tugunan ang patuloy na banta ng pandemya na bitbit ng COVID-19 ay inaasahang magpapalabas ng panibagong proklamasyon si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na magpapalawig sa umiiiral na State of National Health Emergency.

Sa harap ito ng pagtatapos bukas, Setyembre 16 ng anim na buwang proklamasyon ni Pangulong Duterte noong Marso 16.

Nauna nang sinabi ng ilang lokal na opisyal na nakaantabay sila sa pagpapalawig ng State of National Health Emergency upang mas mabilis na magamit ang kanilang mga pondo sa pagtugon sa pandemya at maitulong sa mga naapektuhang residente.

Matatandaang nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Proclamation 922 na nagdedeklara ng State Public Health Emergency dahil sa Coronavirus Disease o COVID-19.

Sa ilalim ng public health emergency, mas mapadadali at mapabibilis ang aksiyon ng gobyerno sa pagtugon sa COVID-19, gaya ng pagkuha ng pondo para sa mga local government unit para labanan ang virus.

Mapabibilis din umano ang procurement process sa mga gamit na kakailanganin laban sa sakit at mabibigyan din ang gobyerno ng kapangyarihang magpatupad ng mandatory quarantine sa mga pinaghihinalaang kaso.

Magiging mandatory rin umano sa mga ospital na i-report ang mga kaso ng COVID-19 na dinadala sa kanila.

Mananatili ang bansa sa ilalim ng state of public health emergency hangga’t hindi binabawi ni Pangulong Duterte. (CHRISTIAN DALE)

128

Related posts

Leave a Comment