Higit P217-B napunta sa DSWD P486-B PONDO SA COVID INILABAS NG DBM

UMABOT sa P486.07 bilyon na ang inilabas na pera ng administrasyong Duterte para sa coronavirus disease (COVID-19).

Batay ito sa rekord ng Department of Budget and Management (DBM) hanggang nitong Nobyembre 20.

Binigyan ng DBM ng P217.41 bilyon ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na siyang pinamalaki sa lahat ng kagawaran.

Matatandaang itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte ang DSWD na siyang mamahagi ng bilyon-bilyong pondong inilaan ng Bayanihan to Heal as One Act (Bayanihan 1) sa Social Amelioration Program (SAP).

DSWD din ang inatasang mamahagi ng ayuda na inilaan ng Kongreso sa Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2).

Nabatid kung paano hinati ng DBM ang pera ng pamahalaan, ilang araw makaraang kinastigo nang husto ng mga senador mula sa administrasyon at oposisyon ang DSWD na pinamumunuan ni Secretary Rolando Joselito Bautista dahil ang P83.2 bilyong pondo nito ay nakatago pa sa bangko ng DSWD.

Kabilang sa P83.2 bilyon ang P1.5 bilyong bahagi ng pondo ng DSWD para sa 2019.

Sumunod sa DSWD ay ang Department of Finance (DOF) na P100.19 bilyon ang natanggap, batay sa rekord ng DBM.

Ang pondo ay pautang ng DOF sa mga negosyanteng bahagi ng Micro, Small, Medium Enterprises (MSMEs).

Ikatlo ang Department of Health (DOH) sa badyet na P73.23 bilyon.

Ang mga sumunod pa ay P28.48 bilyon sa Department of Labor and Employment (DOLE); P27.69 bilyon sa Department of Agriculture (DA); P14.91 bilyon ang nakuha ng Department of Education (DepEd); P9.50 bilyon ang ibinigay sa Department of Transportation (DOTr); P5.56 bilyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH); P3.31 bilyon sa Department of the Interior and Local Government (DILG); P2.92 bilyon ang ibinigay sa Department of National Defense (DND), at P1.30 bilyon ang napunta sa Department of Trade and Industry (DTI).

Ang ibang kagawaran at ahensiya ay nakakuha nang mababa sa isang bilyon tulad ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) na P50.50 milyon, at Philippine Sports Commission (PSC) na P180 milyon.

Inaasahan pang maglalabas ang administrasyon ng karagdagang pera na panlaban sa COVID-19, kabilang ang P73.2 bilyon na pambili ng vaccine na gagamitin sa 60 milyong Filipino. (NELSON S. BADILLA)

49

Related posts

Leave a Comment