‘Hokus pokus’ sa PhilHealth PANAHON PA NI PNOY P153-B naglaho sa all case rate policy – Rep. Defensor

0

NAGSIMULA ang mafia sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) noong panahon ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa pamamagitan ng all case rate policy na
ipinatupad mula noong 2011.

Ito ang isiniwalat ni House committee on public account chairman Rep. Mike Defensor sa pagdinig na kanyang ipinatawag hinggil sa iba’t ibang katiwalian sa PhilHealth.

“Itong case rate policy ay nagsimula sa administrasyon ni Pangulong Aquino. From 2011 (binuo ang polisiya) nagtuloy-tuloy po ‘yan at nagugulat na lang tayo.. dito na lang nagsimula ang problema sa PhilHealth na ang lalaki ng pondong nawawala,” ani Defensor.

Sa ilalim ng case rate policy, nagtakda ng halaga na babayaran ng PhilHealth sa bawat sakit na kinabibilangan ng pneumonia, urinary tract infection (UTI), gastro problem at iba pang
karamdaman.

“Ginawa nila sa isang circular (PhilHealth Circular No. 0031 s 2013) na ang pagbabayad ng PhilHealth ay hindi na fee-for-service. Ano ba ang fee-for-service, pagka ikaw nagkasakit, gumastos
ka ng P5,000, ipagpalagay po natin pneumonia, ang ginastos mo ay P5,000 lamang pero dahil [sa] case rate o case based payment nila ay P15,000, babayaran pa rin ang ospital ng P15,000,” ani
Defensor.

“Yung 10,000 ay pondong nawala sa tao at nawala lalo’t higit sa gobyerno. Yan po ang kasalukuyang polisiya ng ating PhilHealth. Hindi fee-for-service kundi case based payment,” dagdag
pa ng kongresista.

Sa loob lamang ng 6 taon o mula noong 2013 hanggang 2018, umaabot sa P512.6 Billion aniya ang binayaran ng PhilHealth sa mga ospital sa pamamagitan ng all case rate.

“Tinataya po na P153.7 Billion, magmula 2013 nang magsimula ang case rate to 2018, ang nawalang pondo sa PhilHealth, base sa Coa-AOM, ang overpayment sa claims ay P102.5 Billion,”
ani Defensor bukod sa P51.2 Billion na nauwi sa katiwalian.

“Yung sinasabi po nilang mafia, ‘yan po ang nagiging mafia sa kadahilanang sa all case policy, sa mismong polisiya ay nakaugat ang problema. Ang buong organisasyon ay nadadamay,” dagdag pa
ni Defensor.

Dahil dito, hiniling ng mambabatas sa PhilHealth board at maging kay Pangulong Rodrigo Duterte na buwagin na ang all case rates na ito dahil dito umano nabuo ang mafia.

COVID RATE

Pinabubuwag din ni Defensor ang covid rate na ipinatupad ng PhilHealth dahil tiyak na pagpipistahan din umano ito ng mafia.

Sa ilalim ng covid case rate na itinakda ng nasabing ahensya, ang mild pneumonia ay babayaran ng P43,997; P143,267 naman sa moderate pneumonia; P333,519 sa severe pneumonia at P786,384
sa critical pneumonia.

May report na umanong natanggap si House minority leader Bienvenido Abante na kahit ang mga pasyente na walang COVID-19 ay ipinapasok sa covid-rate upang makasingil ang mga ospital nang mas malaki.

Maging ang Interim Reimbursement Mechanism (IRM) na pinondohan ng P30 Billion ay mistulang pinagpipistahan na rin umano ng mafia dahil parehong grupo ang nakikinabang dito.

SALN SISILIPIN

Kaugnay nito, ipinasusumite ni Defensor kay PhilHealth president ret. Gen. Ricardo Morales ang Statement of Assets Liabilities and Network (SALN) ng lahat ng mga opisyales ng ahensya.

Partikular na hinihingi ni Defensor ay ang SALN ng lahat ng Executive Committee (Execom) members kasama na ang regional vice presidents.

Samantala, naperpekto na umano ng mafia ang katiwalian sa PhilHealth dahil kahit sino ang ilagay na pangulo nito ay bumabalik ang mga miyembro ng sindikato at patuloy na ninanakaw ang pondo ng mga miyembro.

Ganito inilarawan ni Iloilo Rep. Janette Garin ang katiwaliang nangyayari sa ahensya.

Ayon kay Garin, nagsimula ang katiwalian sa PhilHealth noong 2001 sa pamamagitan ng cataract scam at nagtuloy-tuloy na. (BERNARD TAGUINOD)

Related posts

Leave a Comment