IATF kinontra ng solon COVID VAX KAPOS PA RIN

TALIWAS sa iginigiit ng National Task Force Against COVID-19, kapos pa rin ang supply ng bakuna sa malaking bahagi ng bansa.

Ayon kay Rep. Natasha Co mula sa hanay ng minority bloc, 16 sa 17 rehiyon ng bansa ang hindi nakakakuha ng sapat na supply ng COVID-19 vaccines.

Aniya, hindi rin dapat na ipagyabang ang bilang ng mga bakunadong Filipino dahil masyado pang mababa ang 35% na ipinagmamalaki ng Palasyo.

“Vaccine supply remains a problem because the shipments that arrive at the airports are not getting into the arms of Filipinos fast enough,” saad ni Co, kasabay ng patutsadang tanging Metro Manila at mga karatig lalawigan nito ang ginagamit na batayan sa mga ibinibida ng gobyerno, habang nananatiling mailap kung hindi man mabagal ang pagdating ng mga suplay sa kanayunan.

“Kapag tinignan ninyo yung latest data, nagdudumilat yung katotohanan na 16 out of 17 regions sa Pilipinas ang ni hindi pa umaabot sa 35% ang bahagdan ng mga fully-vaccinated!,” ayon sa solon.

Partikular na tinukoy ng kongresista ang kaso ng Bicol Region na nakapagtala lamang ng 16.83% na bakunado habang mas mababa pa ang datos sa Bangsamoro Autonomous Region ni Muslim Mindanao (BARMM) na mayroon lamang kabuuang 9.47% na bakunado.

Paniwala ni Co, matatagalan pa bago makamit ng bansa ang herd immunity na siyang magiging hudyat sa pagbangon ng ekonomiya lalo pa’t hindi naman sapat ang suplay na dumarating sa bansa.

Patunay rin aniya nito ang pag-usad ng petsang itinakda ni vaccine czar Carlito Galvez na makailang ulit na sinabing maaabot ang herd immunity pagtuntong ng Disyembre. Gayunpaman, biglang nagbago ang pahayag ng Kalihim nitong nakaraang buwan. Aniya bago sumapit ang eleksyon sa Mayo, inaasahan nilang mababakunahan na ang 70% ng target nilang populasyon. (BERNARD TAGUINOD)

71

Related posts

Leave a Comment