Ignorance of the law ni AJ Leonen pinuna MARCOS WAGI SA COMELEC, OSG

(NELSON S. BADILLA)

ITINUTURING na “tagumpay” ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos II ang posisyon ng Office of the Solicitor General (OSG) at ng Commission on Elections (Comelec) pabor sa pagpapatuloy ng kanyang protestang elektoral laban sa kuwestyonableng panalo ni Bise Presidente Maria Leonor Robredo sa Mindanao noong halalang 2016.

Ayon kay Atty. Vic Rodriguez, abogado at tagapagsalita ni Marcos, ang posisyon ng OSG at Comelec na dumiin sa eksklusibong papel ng Korte Suprema bilang Presidential Electoral Tribunal (PET) ay “clear win for Sen. Marcos.”

“Comelec and the Solicitor General rebuking the justice in charge feigned ignorance on the matter of the PET jurisdiction,” pahayag ni Atty. Rodriguez patungkol kay Associate Justice Marvic Leonen, ang ponente sa protestang elektoral ni Marcos simula noong Oktubre 2019.

Pumasok ang OSG at Comelec sa eksena ng PET makaraang ipag-utos ni Leonen nitong Setyembre na magbigay ang dalawa ng kani-kanilang opinyon sa kahilingan ni Marcos na busisiin din ang nilalaman ng “third cause” nito hinggil sa malawakang dayaan na ginawa umano ng kampo ni Rodredo sa Lanao del Sur, Basilan at Maguindanao.

Hiningan din ni Leonen ang Comelec ng hiwalay na opinyon kung mayroong otoridad at kapangyarihan ang PET na alamin ang dayaan sa tatlong lalawigan sa Mindanao.

Kasama sa ipapaliwanag ng Comelec kung pambabalewala ng PET sa kapangyarihan ng una o hindi, ang aksyong gagawin nito sa Lanao del Sur, Basilan at Maguindanao.

Kinampihan ni Calida ang third cause ni Marcos alinsunod sa Konstitusyon.

Sa 38-pahinang komentaryo, tinukoy ng OSG ang Artikulo 7, Seksiyon 4 ng Konstitusyon na nagdedeklarang “The Supreme Court, sitting en banc, shall be the sole judge of all contests relating to the election, returns, and qualifications of the President or Vice-President and may promulgate rules for the purpose”.

Sinabi rin ni Calida kay Leonen na “The Presidential Electoral Tribunal has the power to declare the Annulment of Elections or a Failure of Elections without infringing upon the authority of the Commission on Elections (Comelec)”.

Ang nasabing probisyon sa Konstitusyon ang ginamit din ng Comelec sa pagkilala nito sa kawastuhan ng tinatahak na daan ng protestang elektoral ni Marcos.

Upang palakasin ang argumento, inilabas din ng Comelec sa 30-pahinang komento ang “PET Rules” hinggil sa mga demanda tungkol sa dayaan sa halalan ng pangulo at pangalawang pangulo ng bansa.

Binalangkas, dinesisyunan at inilabas ng Korte Suprema noong 2010 ang nasabing alituntunin ng PET hinggil sa kapangyarihan nito sa mga reklamong dayaan sa eleksyon sa pagkapangulo at pagkapangalawang pangulo ng bansa.

Partikular na tinumbok ng Comelec ang PET Rules bilang 7, 8 at 13.

Ang ika-13 ay pag-uulit sa Artikulo 7, Seksyon 4 ng Konstitusyon.

Ayon kay Rodriguez, alam ni Marcos ang buong alituntunin ng labang pinasok niya sa PET noong 2016, dahilan upang ipagpatuloy ang protestang elektoral kahit ang naging ponente nito ay si

Associate Justice Leonen na itinalaga ni dating Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino III sa mataas na korte noong 2012.

Si Leonen ay naging mahistrado matapos niyang magsilbi ng mahigit dalawang taon bilang punong negosyador ng administrasyong Aquino sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) para sa kapayapaan sa Mindanao.

Lumilitaw na sa loob ng labing-isang buwang paghawak ng kaso ni Marcos ay hindi man lang sumagi sa isipan ni Leonen na basahin at muling pag-aralan ang Saligang Batas hinggil sa papel ng Korte Suprema sa mga protestang elektoral.

Hindi rin niya inalam man lang sa mga kasamahan niyang mahistrado na mayroon palang PET Rule ukol sa sakop at kapangyarihan ng PET tungkol sa isyu.

Dahil sa labis na pagkaantala ng resolusyon ng PET, inihayag ni Rodriguez na “Marcos was right all along with analyses that Justice Leonen is merely delaying the resolution of his case.”

Bunga rin ng masyadong mabagal na pagkilos ni Leonen, “the integrity of the Tribunal (PET) is under scrutiny,” pahayag pa ng abogado ni Marcos.

Dagdag pa nito, “if there still a miniscule of respect to the Supreme Court left in him”, nararapat nang bitiwan ni Leonen ang kaso ni Marcos “to spare the entire Court and his colleagues from further embarrassment” mula sa publiko.

“The audacious display of ignorance, real or feigned, betrayed much of his unfitness to be part of an elite court traditionally reserved for the most erudite members of the legal profession,” pagtatapos ng abogado ni Marcos.

181

Related posts

Leave a Comment