Kumpanyang may 394 empleyadong may COVID ‘itinatago’? TAGUIG LGU TIKOM ANG BIBIG

HILONG-TALILONG hanggang ngayon ang mayorya ng mga residente ng lungsod ng Taguig hinggil sa eksaktong pangalan at lugar ng construction project sa Bonifacio Global City (BGC) na ipinatigil ni Mayor Lino Edgardo Cayetano dahil 394 sa construction workers nito ay nagkaroon ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Hulyo 28 na ngayon, ngunit ‘itinatago’ pa rin ng tanggapan ni Cayetano, o ng City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CEDSU), ang eksaktong pangalan at lugar ng itinatayong gusali at
pangalan ng kumpanyang kontraktor ng proyekto sa BGC sa Barangay Fort Bonifacio kung saan tinamaan umano ng COVID-19 ang 394 mula sa 700 manggagawa nito.

Ayon sa mga taong nakausap ng Saksi Ngayon, mahalagang malaman ng mga residente ang eksaktong lugar, o kahit pangalan ng kalsada sa BGC kung saan ipinatigil ni Cayetano ang proyekto
upang maiwasan nila ang nasabing lugar upang hindi sila mahawa sa COVID-19.

Sabi ng dalawang residente, bandang McKinley area umano ‘yung construction project na sinasabing nagkaroon ng COVID-19 ang halos 400 manggagawa, ngunit hindi pa rin niya alam ang
eksaktong lokasyon nito.

Sa opisyal na pahayag ni Cayetano na inilabas nitong Hulyo 22, inamin nito na 394 ang kabuuang bilang ng mga construction worker sa BGC na tinamaan ng COVID-19.

Sinabi rin niya na naka-recover na ang mga ito.

“This 100% recovery rate among the cases originating in the BGC construction site (394 cases and recoveries) in Brgy. Fort Bonifacio… proves that the implementation of a localized quarantine is
effective in isolating the virus without compromising economic recovery,” paliwanag ni Cayetano.

Maliban sa 394, nakaligtas din ang lahat ng 112 residente sa Brgy. Lower Bicutan mula sa COVID-19.

Ang 394 at 112 kaso ng COVID-19 ay nakadagdag kaya tumaas ng 1,578 residente ang tinamaan ng COVID-19 noong Hulyo 13.

Ani Cayetano: “We will continue to refine and perfect this to effectively contain the virus in the city.”

Ang alam ng mga residente sa Taguig, si Cayetano ay nakatira sa condominium unit sa BGC sa Barangay Fort Bonifacio.

Sa nasabing condominium unit din ang address na ginamit ni Senadora Pia Cayetano nang tumakbo itong kongresista noong halalang 2016 at Rep. Ma. Laarni Cayetano noong eleksyong
2019.

Ang asawa ni Rep. Ma. Laarni na si Speaker Alan Peter Cayetano ay iyong address nila sa Barangay Bagumbayan pa rin ginamit nitong halalang 2019.

Kahit nangako si Mayor Cayetano nitong Hulyo 22 na paghuhusayin ang localized quarantine upang mapigilan ang pagdami ng mga residenteng tatamaan ng COVID-19, kapansin-pansin sa mga
construction project sa lungsod na hindi nagpapatupad ng safety measures tulad ng pagsusuot ng face masks at face shields at hindi rin pinaiiral ang social distancing tulad sa Army’s Angels

Montessori School at tatlong palapag na gusali sa Meralco Road (parehong matatagpuan sa Barangay Central Signal) at DMCI Condominium sa Barangay Hagonoy.

Hindi rin sinusunod ang Anti-COVID protocols sa tricycle waiting shed sa Barangay New Lower Bicutan (malapit sa Barangay Outpost ng Barangay Hagonoy at Barangay New Lower Bicutan at
pansamantalang police outpost na katabi ng isang convenient store) kung saan ginagamit ngayong antayan ng mga sasakay ng tricycle at ng mga residenteng COVID-19 frontliner na nag-aabang ng modernong dyip na libreng sangay patungong BGC.

Hindi umano sinisita ng mga barangay tanod at mga pulis ang mga taong nakapuwesto sa nasabing waiting shed.

Kapansin-pansin din na hindi umiikot ang mga pulis ng lungsod upang sitahin at hulihin ang mga residenteng hindi sumusunod at ipinatutupad ang safety protocols upang maging ligtas mula sa
COVID-19.

Hindi rin naglilibot ang mga opisyal ng mga barangay, lalo na ang mga punong barangay, sa kani- kanilang nasasakupan kahit isang araw sa loob ng isang linggo upang sitahin at paalalahanan ang mga residente na manatili sa kani-kanilang bahay kung wala namang gagawing mahalaga sa labas.(NELSON S. BADILLA)

Related posts

Leave a Comment