MALASAKIT CENTER SA SANTIAGO CITY, ISABELA BINUKSAN NA

INILUNSAD ng pamahalaan nitong Biyernes ang ika-82 Malasakit Center sa bansa, na matatagpuan sa COVID-19 designated hospital na Southern Isabela Medical Center, sa Santiago City, Isabela.

Ito na ang ikalawang Malasakit Center sa Isabela at ikatlo naman sa Region 2.

Sa kanyang mensahe, sa isang video call, sinabi ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go na ang mga Malasakit Center ay isang one-stop shop kung saan matatagpuan ang mga concerned government agencies na may programang nagbibigay ng financial at medical assistance sa mga pasyenteng Pinoy, partikular na ang mahihirap at indigents.

“Lapitan ninyo lang ang Malasakit Centers para sa mga pangangailangan ninyong pangkalusugan. Para po ito sa lahat ng mga Pilipino, lalo na ang mahihirap na nangangailangan ng tulong sa pampagamot. Sisiguraduhin natin na pagdating sa serbisyo mula sa gobyerno, sila ang ating uunahin palagi,” aniya.

Pinayuhan din ng senador ang mga personnel at local officials na bigyan ng espesyal na atensiyon ang mga pinaka- vulnerable na miyembro ng komunidad at hinikayat ang mga awtoridad na gawing prayoridad ang kapakanan ng mahihirap at indigents na pasyente.

“Ang Malasakit Center po ay walang pulitika, basta Pilipino ka, lalo na kung poor and indigent patient ka, qualified ka po sa Malasakit Center,” ani Go.

Ang Malasakit Center ay ‘brainchild’ ni Go, at dito maaaring humingi ng tulong ang mga pasyente ng financial at medical assistance mula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, kabilang ang Department of Health, Department of Social Welfare and Development, Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at Philippine Charity Sweepstakes Office.

“Ngayon na may COVID-19, mas lalong kailangan po ang Malasakit Center para tumulong sa mga kababayan natin.

Hindi na nila kailangan lumabas pa ng ospital at pumila sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno hanggang madaling araw pa at d’un po nagkakahawa-hawaan. Sa Malasakit Center, isang opisina na lang na nasa ospital mismo ang pupuntahan nila, paliwanag pa ni Go.

Ang Malasakit Centers Act of 2019 ay nilagdaan bilang batas ni Pang. Rodrigo Duterte noong Disyembre 2019 at layunin nitong gawing accessible para sa mamamayan ang lahat ng existing government medical at financial assistance programs, gayundin ay mapababa ang binabayarang hospital bills ng mga pasyente.

Samantala, nanawagan din si Go ng kooperasyon sa imbestigasyong isinasagawa ng pamahalaan hinggil sa mga alegasyon ng korapsiyon sa PhilHealth upang masigurong mapapanagot ang mga taong sangkot dito at mapaghuhusay ang serbisyo para sa mga mamamayan. (DAVE MEDINA)

122

Related posts

Leave a Comment