Mga ‘bata’ ni Digong abswelto – solon MASSIVE CORRUPTION INVESTIGATION MABABALEWALA

HINDI magtatagumpay ang kampanya laban sa korapsyon ni Pangulong Rodrigo Duterte kahit pa iniutos niya mismo ang malawakang imbestigasyon sa lahat ng ahensya ng pamahalaan.

Ayon kay House deputy speaker Carlos Zarate ng Bayan Muna, ito ay dahil mismong si Pangulong Duterte ang agad nag-aabsuwelto sa mga opisyales ng gobyerno bago pa man magsimula ang imbestigasyon.

“Little or nothing will come out of this especially since Pres. Duterte himself has a penchant for absolving his people even before an investigation has started like what he did to DOH Sec. Francisco Duque, DPWH Sec. Villar, Gen. Debold Sinas and many others before them,” ani Zarate.

Si Duque ay agad nilinis ni Duterte sa katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kung saan siya ay chairman habang si Villar ay inabsuwelto sa corruption sa Departmet of Public Works and Highways (DWPH).

Ang kautusan ng pangulo sa Department of Justice (DOJ) na bumuo ng task force para magsagawa ng imbestigasyon sa katiwalian sa gobyerno ay kasunod ng pagbubunyag nitong malala pa rin ang anomalya sa DPWH kung saan may mga kongresista umanong sangkot.

Dismayado ang Pangulo dahil imbes na matigil ito ay mistulang lumalala pa kaya inatasan nito ang DOJ na magsagawa ng malawakang imbestigasyon subalit sinabi ng mambabatas na hangga’t inaabsuwelto agad ang mga ‘suspek’ sa katiwalian ay walang mangyayari.

“If sacred cows and patronage politics remain in the Duterte administration then no amount of corruption drive will succeed. They are all bound to fail,” ayon sa sa mambabatas.

 

Sampal sa Ombudsman

Naniniwala rin si Zarate na sampal sa Office of the Ombudsman na pinamumunuan ni Ombudsman Samuel Martirez na ipasa kay Justice Secretary Menardo Guevarra ang imbestigayon.

Sinabi ng mambabatas na tungkulin ng tanggapan ni Martirez ang habulin at panagutin ang lahat ng corrupt officials at empleyado ng gobyerno subalit imbes na ito ang pukpukin ay ibinigay sa DOJ ang trabaho.

“Is Malacañang saying that the Ombudsman is useless or is this anti-corruption drive is just for show?,” tanong ni Zarate.

Samantala, hindi na kailangan pang bigyan ng hiwalay na budget ang Mega Task Force na pinabubuo ni Pangulong Duterte na siyang mag- iimbestiga sa mga katiwalian sa lahat ng sangay ng gobyerno.

Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, constitutional body naman ang Mega Task Force na binubuo ng iba’t ibang sangay rin ng gobyerno na nasa ilalim ng Executive Department.

Ang lahat ayon kay Sec. Roque ay nasa budget na ng Ehekutibo habang ang mga inimbitahang mapabilang sa Mega Task Force ay nakikipag- tulungan naman.

“Lahat naman po iyan ay nasa budget na po ng mga ehekutibo ‘no. Uulitin ko po: Iyong mga constitutional bodies, they’re just invited at nakikipagtulungan naman po sila. But of course, we respect their independence as found and provided for in our Constitution,” ang paliwanag ni Sec. Roque.

Sa kabilang dako, isang core group na ang binuo ni DOJ Sec Menardo Guevarra na magiging komposisyon ng Mega Task Force.

Lumalabas na ang naging core group ng Task Force PhilHealth na nag-imbestiga sa ahensiya ang siya ring bubuo sa Task Force na sisilip sa katiwalian sa buong gobyerno.

Ito ay kinabibilangan ng DOJ, Office of the Ombudsman, Commission on Audit, Civil Service Commission, Office of the Executive Secretary, Office of the Special Assistant to the President at Presidential Anti-Corruption Commission. (BERNARD TAGUINOD, may dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)

49

Related posts

Leave a Comment