Obispo tinabla, prangkisa ibinasura ABS-CBN BYE BYE NA

TULUYAN nang ibinaba ang telon ng ABS-CBN matapos ang 65 taong pamamayagpag sa ere nang ibasura ng pitumpong congressmen ang aplikasyon nila para sa panibagong 25 taong prangkisa.

“The resolution to deny ABS-CBN franchise application is hereby adopted. Pursuant to Section 49 of the Rules of the House of Representatives, all bills and house resolution relative to the grant or renewal of the franchise application of ABS-CBN Corporation are here laid on the table,” deklarasyon ni House committee on legislative franchises chairman Franz Alvarez.

Ginawa ni Alvarez ang nasabing pahayag matapos basahin ang resulta ng botohan na nilahukan ng 84 miyembro ng komite kasama na ang mga ex-officio member. Sa nasabing bilang, 70 ang bumoto ng Yes sa “House Resolution: Denying the franchise application of ABS-CBN Corporation to construct, install, establish, operate and maintain radio and broadcasting stations in the Philipppines”.

Habang isinusulat ito ay hindi pa naglalabas ng listahan ang komite kung sino-sino ang 70 congressmen na tumabla sa prangkisa ng ABS-CBN dahil sa napakaraming paglabag umano ng nasabing network sa nakaraang 25 taon.

Labing isa ang bumoto ng No sa nasabing resolusyon na binuo ng  Technical Working Group members na sina Cebu City Rep. Pablo John Garcia, Camiguin Rep. Xavier Jesus Romualdo at Marikina Rep. Estella Luz Quimbo.

Kabilang sa 11 bumoto kontra sa nasabing resolusyon sina Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, Minority Leader Bienvenido Abante, Reps. Sol Aragones, Toff de Venecia, Gabriel Bordado, Vilma Santos-Recto, Lianda Bolilia, Ping Tejada, Mujiv Hataman, Edward Maceda at Quimbo.

Nag-inhibit naman sina Quezon City Rep. Alfred Vargas na dating talent ng ABS-CBN at Nueva Ecija Rep. Micaela Violago habang nag-abstain si Ako Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin.

Base sa TWG Report, mahigpit na pinag-aralan ng mga ito ang resulta ng mga isyung tinalakay ng franchise at good government and public accountability committee na kinabibilangan ng pagiging American citizen ni Eugenio “Gabby” Lopez, paglabag ng ABS-CBN Corporation sa Saligang Batas na nagbabawal sa mga dayuhan na magmay-ari ng media company sa bansa; paglabag sa kanilang prangkisa, hindi pagbabayad ng tama at pag-iwas sa nararapat na buwis na ayon sa nasabing komite ay “unjiust, if not immoral”, pagkakaroon ng dummy ng nasabing network at hindi pagsunod sa labor laws.

Nang linawin ni Bulacan Rep. Jonathan Sy-Alvarado sa pakahulugan ng “laid on the table” na pahayag ni Alvarez sa franchise application ng ABS-CBN ay sumagot ang Legislative Franchises committee secretary ng “ibig sabihin, ano na siya.. kill”.

“Ibig sabihin na itong usapin sa application ng ABS-CBN ay hindi lang  po isinantabi, kundi tinapos na ngayong araw Mr. Chairman, tama po ba?,” tanong ni Sy-Alvarado na inayunan ni Alvarez.

Dahil makasaysayan ang nangyaring botohan, hiniling ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor na lahat ng 70 congressmen na bumoto ng yes sa resolusyon na tumabla sa prangkisa ng ABS-CBN ay maging co-authors sa TWG Resolution Report.

TINABLA

Hindi nakakuha ng suporta sa Malakanyang ang evangelical churches nang umapela ang mga ito kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte na suportahan ang franchise renewal ng ABS-CBN Corp.
Ang payo ni Presidential spokesperson Harry Roque sa Philippine Council of Evangelical Churches (PCEC)ay idulog ang kanilang apela sa Kongreso at hindi kay Pangulong Duterte.

Umapela kasi si PCEC national director, Bishop Noel Pantoja kay Pangulong Duterte na ibigay nito ang kanyang ‘crucial support’ para sa renewal ng prangkisa ng media firm.
Ang katuwiran ni Bishop Pantoja ay naipakita naman sa pagdinig ng Kongreso na “legally compliant” ang ABS CBN sa usapin ng tax payments.

“Kasama ko po sa aking online bible study si Bishop Pantoja. So Bishop, siguro po i-address po natin ang appeal sa Kongreso kasi desisyon po iyan ng Kongreso. Ang Presidente naman po sinabi niya, the members of Congress can vote according to their conscience dahil siya po ay neutral,” ayon kay Sec. Roque.

Samantala, walang kinalaman ang Malakanyang sa diumano’y panggagapang ni presidential son at Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte at Iglesia Ni Cristo (INC) sa mga mambabatas para i-pressure ang mga ito na tuluyan nang ipasara ang media giant na ABS-CBN.

Agad sinalag ni Sec. Roque ang pag-uugnay sa pangalan ni Cong. Pulong sa Malakanyang at sa kanyang ama na si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa usaping ito.

“Naku, wala po kaming nalalaman tungkol diyan. Pero sang-ayon sa Saligang Batas, talagang dapat magmula sa mababang kapulungan ang lahat ng prangkisa pagdating po sa negosyong broadcast, at kabahagi naman po si Congressman Pulong Duterte ng mababang kapulungan,” ayon kay Sec. Roque.

Malabo aniyang magawa ni Cong. Pulong ang pag-presyur sa kanyang nga kapwa kongresista na i-deny ang franchise renewal ng ABS-CBN dahil isa lamang siya sa 300 kongresista.

‘WAG HUSGAHAN

Nanindigan naman si House Speaker Alan Peter Cayetano na naging patas at kumprehesibo ang pagdedesisyon ng House committee on legislative franchises kasabay ng pag-apela nito sa publiko na bago husgahan ang naging desisyon ng mga mambabatas ay basahin muna ang kumpletong findings kung bakit “deny” ang naging rekomendasyon ng komite.

Ayon kay Cayetano, umpisa pa lamang ng paghawak ng Kamara sa ABS-CBN franchise renewal application ay alam na nilang partisan ang kaso na may mga hindi sasang-ayon sa kahit anoman ang maging desisyon, gayunpaman, ginawa umano ng komite ang fair, impartial, thorough at comprehensive hearing na ang lahat ng aspeto ay kanilang tinignan at kinonsidera.

“I pray that despite our differences, we will eventually come to respect the decision of the committee and its members, and begin to move forward in rebuilding the relationships that have been strained by this issue,” pagtatapos ni Cayetano. (BERNARD TAGUINOD/May dagdag-ulat sina (CHRISTIAN DALE/ABBY MENDOZA)

Related posts

Leave a Comment