P14-M PENSION NG SENIORS IPINAMAHAGI

SINIMULAN nang ipamahagi ng lokal na pamahalaan ng bayan ng Pandi, Bulacan ang localized pension budget ng mga senior citizen dito kasabay ng relief goods bilang ayuda habang dumaranas ng health emergency ang bansa kaugnay ng coronavirus (COVID-19) disease outbreak.

Ayon kay Mayor Rico Roque, ang bawat senior citizen sa kanilang bayan ay makatatanggap ng P2,000 mula sa local government ng Pandi. Katuwang ng alkalde ang may 600 volunteers mula sa Pinagkaisang Lakas ng Kababaihan (PILAK) na siyang maghahatid sa bahay-bahay.

Kabilang din sa pinamimigay sa mahigit pitong libong seniors sa 22 barangay ng Pandi ang mga hygiene kit na naglalaman ng alcohol, sabon, towel, face mask at vitamin C.

Ayon pa kay Roque, sisimulan na rin nila ang second wave relief operation kung saan panibagong 45,000 food packs ang muling ipamamahagi sa mga residente ng 22 barangay ng naturang bayan.

Sa kasalukuyan ay mayroong naitalang 36 positive COVID-19 patient at 12 na ang namatay sa lalawigan ng Bulacan, isa naman ang nagpositibo mula sa bayan ng Pandi. ELOISA SILVERIO

133

Related posts

Leave a Comment