PAGTATAYO NG 3 PLANTA NG KARBON PINAKAKANSELA

0

UMAPELA sa mga lokal na opisyal ng pamahalaan at mga negosyante ang Diocese of Lucena nitong Lunes para kanselahin ang tatlong coal-fired power plant na balak itayo sa Quezon, na makadadagdag umano sa pagkasira ng kalikasan.

Ang pahayag na ito, na nakasaad sa isang manifesto na pinirmahan ng higit 100 pari kasama si Lucena Bishop Mel Rey Uy, ay ipinadala sa SMC, A1E, at mga tanggapan ng lokal na pamahalaan.

“Nananawagan kami sa mga korporasyong ito at sa mga subsidiariya nila na pakinggan ang tinig ng kalikasan at kanselahin ang planong ipatayo ang mga planta ng mahal, marumi, at nakamamatay na enerhiya mula sa coal.

Nananawagan din kami sa ating lokal at pambansang pamahalaan na pakinggan ang mamamayan at huwag hayaang makapasok pa ang anomang dagdag na coal sa minamahal nating probinsiya,” sabi ng mga pari sa kanilang pahayag.

Sa kasalukuyan ay mayroon nang 1,644 MW na coal sa mga munisipalidad sa ilalim ng Diocese of Lucena. Kung maitatayo ang tatlong bagong planta, madadagdagan ito ng 3,330 MW pa.

“Ngayon pa lamang, nagdurusa na ang mamamayan ng Quezon sa mga problemang pangkalusugan dahil sa lason na ibinubuga ng mga planta ng coal. Ninakawan din sila ng karapatang magamit ang lupa at kalayaang makapaghanapbuhay nang masagana, pinahirapan ng polusyon, nakaranas ng agresyon, at naisantabi sa mga proseso ng pagpapasya,” sabi sa pahayag.

Ginawa ang panawagang ito sa pagsisimula rin ng “Season of Creation”, ang taunang selebrasyon na binubuo ng mga aksyon at panalanging pangkalikasan, lalo na sa usapin ng krisis sa klima.

“Tinututulan namin ang mga coal-fired power plant dahil taliwas ang mga ito sa pangangalagang kailangan ng daigdig, ang nag-iisa nating tahanan. Ang kanselasyon ng mga ito ay makatutulong makapigil sa mga greenhouse gas emission, at magsisilbing pahayag ng pagtanggi sa anomang uri ng hindi sustenable at maruming mga gawain sa Quezon at sa buong bansa,” anila pa.

Kasalukuyang bumababa ang pandaigdigang paggamit ng coal dahil sa krisis sa klima, masasamang epekto nito sa kalikasan, at mga peligro ng pamumuhunan sa mga coal project.

Samantala, ang Pilipinas na madalas naaapektuhan ng mga kalamidad dala ng pag-init ng daigdig, ay patuloy pa rin sa pagpaparami ng mga planta ng coal sa bansa.

“Nakikiisa ang Power for People Coalition sa mga komunidad ng Quezon sa kagustuhan nilang iwanan na ang coal, at maasahan nilang patuloy ang pagsuporta namin sa panawagang ito. Hindi dapat maging hadlang ang anomang bagong coal plant sa pagkakaroon ng malinis at murang kuryente para sa mga Pilipino,” sabi ni Gerry Arances, Convenor ng P4P.

Ang grupong P4P, kasama ng mga kinatawan ng simbahan at komunidad sa Quezon, ay nanguna noong Nobyembre 2019 sa pagpepetisyon sa Kagawaran ng Kalikasan at Likas na Yaman (DENR) laban sa proyekto ng A1E dahil sa paglabag sa mga patakarang pangkalikasan at pang-edukasyon ng mamamayan. Sumusuporta rin ang P4P sa iba’t ibang gawain laban sa mga
proyektong coal ng SMC. (TJ DELOS REYES)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment