PAKULONG ALERT LEVEL NG IATF, INALMAHAN

0

SA halip na maging simple, sukdulang pagkalito lamang ang idinulot ng pinakabagong pakulo ng Inter-Agency Task Force (IATF) na siyang nasa likod pagpapatupad ng “alert levels” sa Metro Manila simula nitong Huwebes.

Sa isang pahayag ng grupong Community Medical Practitioners and Advocates Association (COMPAS), hindi anila solusyon sa national health emergency ang anomang uri ng lockdown – mula sa ECQ, MECQ, GCQ, MGCQ, at iba pang sumunod na bokabularyong pinauso ng gobyerno sa gitna ng pandemya.

Wala rin aniyang katiyakang titigil ang pagkalat ng sakit gamit ang bagong terminong “granulized lockdown.”

Patutsada pa ng mga dalubhasa sa larangan ng medisina at pagsasaliksik, tila nakaligtaan ng IATF ang anila’y pinakamahalagang sandata para sugpuin ang pagkalat ng nakamamatay na virus – ang basic epidemiology measures tulad ng case finding sa pamamagitan ng maagap at libeng testing, health surveillance, contract tracing, isolation at tamang pangangasiwa.

Pangamba pa ng COMPAS, balewala anomang paghihigpit sa ilalim ng alert level system ng gobyerno kung walang libreng COVID-19 testing, contact tracing at isolation.

Panawagan ng mga eksperto, tutukan ang pagbabakuna at hindi ang pagpipiit ng mamamayan dahil lamang sa kabiguan nitong bakunahan ang mga tao. Bukod sa bakuna, kailangan din umanong paglaanan ng pamahalaan ang iba pang mekanismo tulad ng ayuda, pagkain at mga pasilidad kung saan angkop dalhin ang mga nagpositibo para agad na malunasan.

Hiling nila sa pangulo, tiyaking ipagkakatiwala ang problema sa kalusugan sa mga taong tunay na eksperto sa larangan ng kalusugan – at hindi yaong mga retiradong heneral na ang husay ay sagupaan.

Mas magiging mabilis din anila ang pagbubukas ng ekonomiya ng bansa kung ipapatupad ang basic epidemiological health measures.

Kabilang din sa kanilang suhestiyon sa Palasyo ay ang pagpapatibay ng healthcare system na dumaranas ng pagkalagas sa hanay bunsod ng pagkakasakit, pagpanaw at pagbibitiw ng mga dismayadong healthcare workers sa polisiya ng gobyerno. (JOEL AMONGO)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment